Editoryal - Wala nang VIP sa NBP?
WALA na raw magiging Very ImporTant Preso (VIP) sa National Bilibid Prison (NBP) ngayong may mga opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) na kinasuhan at sinuspende kaugnay nang paglabas-masok ni convicted killer at dating Batangas governor Antonio Leviste sa National Bilibid Prison (NBP) noong nakaraang Mayo. Tapos na raw ang pamamayagpag ng mga VIP.
Ang limang opisyal ng BuCor na kinasuhan ay sina Ramon Reyes, Armando Miranda, Dante Cruz, Fortunato Justo at Roberto Rabo. Ayon sa DOJ hindi nagampanan ng lima ang kanilang mga tungkulin. Hinayaan nilang “makatakas” si Leviste sa maraming pagkakataon. Hindi naman kinasuhan si dating BuCor director Ernesto Diokno, dahil nagbitiw na ito
Kung tutuusin, magaan ang parusa sa limang BuCor officials na sinuspende lamang ng 90-araw. Bakit hindi alisin sa puwesto gayung ang kanilang ginawa ay hindi karapat-dapat? Hinayaan nilang “makalaya” o “makatakas” ang isang bilanggong tulad ni Leviste. Dahil kaya maimpluwensiya o may-kaya sa buhay si Leviste? Dahil kaya nakikinabang sila rito?
Ayon sa report, matagal nang naglalabas- masok si Leviste sa NBP. Sinusundo pa umano ito ng kotse at nagtutungo sa gusali nito sa Makati. Nakunan mismo ng video si Leviste habang pasakay sa kotse matapos manggaling sa kanyang gusali. Depensa naman ni Leviste, nagpabunot siya ng ngipin.
Noon pa balita ang tungkol sa mga “Very Important Preso” na may sariling kubol at kumpleto sa gamit --- aircon, refrigerator, kama, at marami pang iba. Mistulang motel ang tirahan ng mga “VIP” sa NBP. Habang masarap ang kanilang kalagayan, marami namang bilanggo ang nagsisiksikan at nagkakasakit. Malaki ang pagkakaiba ng mahirap at mayamang bilanggo sa NBP.
Wala na raw VIP sa NBP. Sana nga. O baka naman hanggang sariwa lang ang isyung ito.
- Latest
- Trending