ANO ba ang nangyayari sa National Irrigation Administration (NIA) at bakit napakarami nitong problema sa implementasyon ng mga proyektong patubig lalo na dito sa Mindanao?
Andun iyong higit P145-milyon na irrigation projects na dapat ay tapos na sa iba’t ibang lugar sa Davao del Norte na ayon kay Rep. Anton Lagdameo ay hindi naman talaga nagawa.
Galit na galit si Lagdameo at gusto niyang paimbestigahan ang NIA sa mga projects na sinasabi nitong nagawa na ngunit di naman pala na-implement ng maayos.
Nagngingitngit lang naman sa galit si Lagdameo dahil ginagamit nga daw siya at ang kanyang opisina sa mga nasabing NIA projects. Banta pa nga ni Lagdameo na marami pa nga siyang ibubunyag at ang P145-milyon na irrigation project sa kanyang distrito ay “tip of the iceberg” lang daw sa mga problemang dulot ng NIA.
Makipagkita na nga sa isang pulong si Lagdameo kina Agriculture Secretary Proceso Alcala at NIA administrator Antonio Nangel upang talakayin nila ang mga nasabing kapalpakan sa mga NIA projects sa Davao del Norte.
Iba naman ang problema sa may dakong North Cotabato kung saan parte din ito sa malawakang Malitubog-Maridagao (Mal-Mar) irrigation project.
Nasasakop sa Mal-Mar project ay ang mga lalawigan ng North Cotabato at Maguindanao at tinataya itong magbibigay benepisyo sa may libong magsasaka sa nasabing mga probinsya at mga kalapit lugar nito.
Hayon at hinihikayat nina Reps. Raymund Mendoza, Angelo Palmones, Jesus Sacadalan at Nancy Catamco ang House of Representatives na magsagawa ng isang imbestigasyon sa Mal-Mar irrigation project na nakahahalaga ng bilyong piso.
Ito ay dahil nga hanggang ngayon ay hindi pa tapos ang Stage 1 ng Mal-Mar project ngunit nais nang simulan ng NIA ang Stage 2 ng proyekto.
Giit ng mga kongresista na nakalaan na ang P6.2 billion para sa Stage 2 ng Mal-Mar project sa 2012 budget ngunit di pa tapos ang Stage 1 nito na nagkakahalaga ng P3.2-bilyon.
Nais ng mga kongresista na magkaroon ng mas malalim na imbestigasyon sa proyekto upang mahanapan ito ng solusyon at ganap na matulungan ang mga magsasaka, ang kanilang mga pamilya at nang madagdagan ang agriculture production ng Mindanao na siyang tinatanghal na food basket ng bansa.
Panahon na upang harapin ng NIA ang mga katanungan ng madla kung paano naging tuyo ang mga patubig ninyo ganung kung babasahin ang completion report ninyo ay tapos na ang mga projects na ito.
Hindi naman siguro kaila sa NIA na kailangan ng mga magsasaka ng patubig na siyang buhay nila. Huwag naman na ang lalabas ay ang NIA pa ang papatay sa ating mga magsasaka.