Ang ating planeta
Totoo nga kaya sinasabing “Big Bang”
Kaya ang daigdig biglang isinilang?
Sa lakas ng putok naghiwa-hiwalay
Higanteng buntalang nasa kalawakan?
Kung totoo ito’y pagkagandang bola
Ang ating daigdig na naging planeta;
Kung kaya nga lang nakapagtataka
Sa lahat ng planet ang mundo’y maganda!
Katakataka ring dito ay may tao
At sa dakong ito’y mayro’ng Pilipino;
Ang mga scientist na ngayo’y narito
Ang sinasaliksik ay ang ibang mundo!
Nalaman ng tao maraming planeta
Ang planeta nati’y hindi nag-iisa;
Kung kaya nga lang waring pambihira –
Dito lang may tao’t iba’t ibang bansa!
Kaya nga maraming ngayo’y nagtatanong
Sa ibang planeta may tao ba roon?
Sila ba ay taong nasa kathang “fiction”
At bunga lang kaya ng imahinasyon?
Halimbawa’y sa Mars mga tao’y bughaw
Bakit mukha nila’y kaibang nilalang?
Sa Pluto’t Orion anong klaseng buhay
Ang nabuhay roo’y kay layo pa naman?
Sa planetang Saturn ang nakapaligid
Ay magandang sinag na di umaalis’
Doon ba’y masaya – may tula at awit
Na tulad sa ating may puso’t pag-ibig?
Ang araw at buwan oo nga at bilog
Na kung wala sila tayo ay malungkot;
Mainit ang araw na lakas ang dulot –
Sa lahat ng dako liwanag ay abot!
At ang buwan naman malamig ang sinag
Sa gabing tahimik parang isang dilag;
Kapag walang ulan at hindi maulap
Iba’t ibang hugis bigay na liwanag!
Sa mga planetang nasa kalawakan
Ang ating daigdig kaiba ang galaw;
Ito’y may sariling pook na iniikutan
At di bumabangga sa mga meteorite!
- Latest
- Trending