MAINIT na naman ang diskusyon ukol sa karapatang mag-ari ng baril. Gawa ito ng ilang pangyayari sa lungsod. Yung insidente kung saan nabaril ang dalawang tao sa isang alitan sa trapiko. Isa ang patay, isa ang sugatan. Hindi armado yung mga nabaril, at tumakbo yung namaril. Yung insidente kung saan isang tatlong-taong gulang na babae ang napatay ang sarili matapos makalabit ang isang baril na nakita niya sa loob ng isang bag ng kapitbahay. Sundalo ang may-ari ng baril. Kung paano nakalabit ay hindi pa maliwanag. Siguradong hindi makakasa ng bata ang baril, kaya lumalabas na kasado na, may balang handa at kalabit ng gatilyo na lang ang kailangan para pumutok ang armas. Pati na ang mga insidente ng mga krimen, katulad ng carnapping. Tinututukan na lang ang mga may dala ng sasakyan, at kinukuha na.
Sa ginawang text poll sa TV Patrol noong Biyernes, tinanong kung ProGun o Gunless Society ang gusto. Sa katapusan ng programa, lamang ang mga ProGun ng anim na porsyento, kaya pinakikita na halos hati ang damdamin ng mga lumahok sa pagtanong. Ayon sa ulat ni Ted Failon, napakadaling kumuha ngayon ng lisensyadong baril. Pera lang ang katapat, kahit hindi ka na magpakita sa Crame o saan pang ahensiya. Ilabas mo lang ang pera mo at magkakabaril ka na matapos ang ilang araw o linggo, depende sa “lakas” mo sa loob, ika nga. Pero sa pagkakaalam ko, mas mahirap kumuha ng permit para magdala ng baril sa labas ng tahanan. Pero sabi ng ilang kilala ko, pera, at koneksyon lang din ang katapat para mapabilis ang proseso.
Alam naman ng lahat ang katayuan ng mga may gusto ng “gunless society” Isang lipunan kung saan bawal ang baril. Alam ko, may mga pabor sa pagbawal na ng pagdala ng sibilyan ng baril sa labas ng bahay, pero hindi ang pag-aari ng mga ito, para sa depensa na rin ng pamilya at pag-aari, sa lugar na sakop lamang ng tahanan. Meron din naman na mahihilig sa baril para sa paligsahan at libangan. Pero tingnan natin ang nasa isip ng mga ibang responsible gun owners na pinaabot sa akin. Para pantay ang usapan.
May karapatan na raw bumunot at mamaril yung sinugod ng dalawang tao, dahil sapat na raw iyon para depensahan ang sarili. Dahil sa panahon ngayon, hindi mo na alam kung sino ang mga lumulusob sa iyo. Sa alitan sa trapik, hindi mo raw alam kung carnapper na rin ang mga iyon, kaya tama lang na namaril na. At hindi pa naniniwala sa warning shot, dahil gagamitin lang daw ng abogado ito para sabihin na may panahon pala raw para iwasan na lang ang gulo, at hindi mamaril. Dapat pagbunot, patayin na kaagad ang mga sumusugod. (Itutuloy)