'Nadulas sa banyo ang nanay ko'
Magandang araw po Dr. Elicaño. Ang akin pong inang 75 anyos ay nadulas sa banyo at naitukod niya ang kanyang kamay at nagkaroon ng bali. Mabuti na lang at hindi grabe ang pagkabali. Sa ngayon ay nagpapagaling na siya pero naaawa ako dahil hirap na hirap siya sa kanyang kalagayan.
Ano po ang maaaring kainin ng aking ina para mapadali ang pagrekober ng kanyang nabaling buto?” --- SANTI M. REYES, Paco, Manila
Karaniwang ang mga matatanda ang nababalian ng buto. Sa kaunting pagbagsak ay maaari silang mabalian ng buto o magkalinsad. Kapag nagkakaedad na kasi ay mahina o malutong na ang mga buto. Ang mga kababaihang nasa menopausal period at mga may osteoporosis ay madali ring mabalian. Nasa panganib din ang mga osteomylacia na ma-fracture ang mga buto.
Maaaring mapadali ang pagpapagaling sa napinsalang buto sa pamamagitan ng pagkaing may calcium. Bago ma-ideposit ang calcium sa mga buto, kinakailangan ang sapat na supply ng Vitamin D. Ang gatas, cheese, yoghurt at nuts ay mayaman sa calcium kaya mahusay sa pagpapanauli ng fracture na buto. Ugaliin ang pagkain ng mga mabeberdeng dahong gulay at sardines.
Nararapat namang iwasan ang major dietary source ng phytic acid katulad ng brown rice at bran. Pinipigil ng mga pagkaing ito ang calcium absorption. Iwasan din ang mga pagkaing may oxalic acid gaya ng rhubarb at spinach sapagkat napipigil ang absorption ng mineral.
Itinuturong dahilan sa paglutong ng mga buto ang pagkakaroon ng sakit o dahil sa matagal na pag-inom ng gamot.
- Latest
- Trending