'Panghihipo' (1)
SA talaan ng Philippine Commission on Women, ang kasong acts of lasciviousness ang ikaapat sa may pina-kamaraming kaso ng pang-aabuso sa kababaihan.
Ito ‘yung panghihipo ng isang tao na walang pahintulot kung saan ang intensiyon ay kabastusan gaya ng paghawak sa maseselang bahagi ng katawan katulad ng dibdib o puwitan.
Ganitong kaso ang nagbigay ng takot sa mga kababaihan sa mga kalye ng San Juan, Pasig at Mandaluyong. May isang di-kilalang lalaki ang lumilibot sa kalye ng mga lungsod na ito.
Sakay ng kaniyang itim na Honda wave na motor at may plate number na 9155 NC, naka-helmet na itim at nakasuot ng jacket, nanghahawak at nanghihipo ang suspek ng maseselang parte ng katawan ng mga babaeng kaniyang madadaanan.
Sa imbestigasyon ng BITAG, ang motor na ginagamit ng suspek sa kaniyang pambibiktima, pag-aari ng Alantic Services sa Maynila. Mensahero sa tanggapang ito ang suspek.
Habang pinag-aaralan ng BITAG ang kasong ito, na-profile naming posibleng may sakit ang suspek. Sa salaysay ng mga biktima, may mali sa reaksiyon ng suspek matapos niyang manghipo.
Matapos biglang hipuan sa dibdib o sa kanilang pag-kababae ang mga biktima, lalagpasan sila ng suspek, hihinto ito, magtatanggal ng kaniyang helmet saka sila kakawayan at ngingitian.
Ayon kay Dr. Camille Garcia, isang clinical psychologist na nilapitan ng BITAG para sa kasong ito, posibleng may paraphilia ang suspek.
Isa itong uri ng sakit sa pag-iisip sa ilalim ng tinatawag na courtship disorder kung saan nagbibigay ng kaligayahan sa isang tao ang pag-hawak sa maseselang bahagi ng isa pang tao.
Kapag nagalit ang biktima, ikasisiya lalo ito ng suspek. Masasabing may ganitong sakit ang isang tao kung sa loob ng anim na buwan, sunod-sunod o series ang pambibiktima nito.
Sa record ng San Juan Police Station at ilang barangay sa Lungsod ng San Juan, higit lima na ang mga nabiktima simula buwan ng Agosto 2010 hanggang Marso ng 2011.
Dalawa sa mga ito, lakas loob na lumapit sa BITAG. Noong una raw, inakala nilang kuwentong kutsero lamang ang panghihipo ng gumagalang naka-itim na motor sa kanilang dalawa.
Subalit laking galit nila ng sila na ang mabiktima. Sundan ang ikalawang bahagi sa iba pang detalye…
- Latest
- Trending