'Street Sweeper Killer'
LABING DALAWANG TAON niyang ginawang parang Cubao ang Saudi. Pabalik balik… papunta’t parito.
Nakasanayan na niya ito. Hindi niya akalain na sa minsang pag-uwi ang anak na nasa kabaong ang gugulantang sa kanya.
Nagpunta sa aming tanggapan si Filomena Pascual, 54 na taong gulang isang Overseas Filipino Worker (OFW). Si Filomena o “Fely” ay isang mananahi sa Riyadh, Saudi Arabia.
Ang pagkamatay ng kanyang anak na si Reynaldo “Bong” Pascual ang dahilan ng kanyang pagdulog sa amin.
Ika-27 ng Disyembre, 2010 bandang alas-9:00 ng umaga sa Riyadh, alas-2:00 naman ng tanghali sa Pilipinas nang makatanggap ng tawag si Fely mula sa kanyang bunsong anak na si Ricardo Jr.
“Nay nandito kami ngayon sa Ospital ng Makati. Nabundol si Bong habang naka duty!,”
Nagulat si Fely, nanlamig at nanghina. “Anong klaseng bundol? Anong lagay ng kapatid mo?”.
Sumagot si Ricardo, “Nay… parang wala na”.
Nabitawan ni Fely ang ‘cellphone’. Napaupo siya at humagulgol. Hindi na siya nakapagsalita. Nang mahismasan tinawagan niya si Ricardo ngunit hindi na ito makontak.
Tumawag sa kanya ang panganay niyang anak na si Gina na nasa Dubai. Ipinaalam nito na patay na si Bong. Nagmakaawa si Fely sa kanyang amo para pauwiin siya. Pumayag naman ito.
Nagbilin siya sa kanyang mga anak na huwag ililibing si Bong hangga’t hindi pa siya dumadating. Ika-4 ng Enero, nakauwi si Fely.
“Ang sakit ng nangyari dahil biglaan ang pagkamatay niya. Hindi ko man lang lubos na naparamdam sa anak ko kung gaano ko siya kamahal,” sabi ni Fely.
Si Bong, 25 taong gulang ay nagtatrabaho bilang isang ‘street sweeper’ sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Alas-7:45 ng umaga, naglalakad si Bong papunta sa kanyang ‘area’ sa may Osmeña Highway. Habang tumatawid bigla siyang sinalpok ng isang matulin na motor.
Tumama ang ‘helmet’ ng driver sa ulo ni Bong dahil nakasabit lang ito sa harapan ng motor.
Ang nakabangga at ang angkas nito ay parehong sugatan.
Isinugod sila sa Ospital ng Makati. Nagtamo ng ‘internal hemorrhage’ si Bong sa ulo na siyang kinamatay nito. Alas-6:00 ng gabi binawian siya ng buhay.
Isang pulang Honda Wave na motor na may plakang 9725 NC na pagmamay-ari ng isang nakilalang Eric John Ranao, 24 taong gulang ang nakabangga kay Bong.
Si Eric ay nagtatrabaho bilang ‘driver’ sa DMC Industrial na pagmamay-ari ng isang Marilou Co. Ang depensa ni Eric, hindi daw tumawid sa ‘pedestrian lane’ si Bong kaya siya’y naaksidente.
“Kahit ano pang sabihin nila nakapatay pa rin si Eric. May pananagutan siya,” wika ni Fely.
Gusto ni Fely na makulong si Eric at pagbayaran ang ginawa nito.
Nagsampa siya ng kasong ‘Reckless Imprudence Resulting to Homicide’ sa Prosecutor’s Office ng Makati.
Hindi daw uma-‘attend’ si Eric sa lahat ng ‘hearing’.
“Tulungan niyo ko na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng anak ko,” panawagan ni Fely.
Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo ang programang “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing alas-3:00 ng hapon) ang problemang ito ni Fely.
Bilang tulong ini-‘refer’ namin si Fely sa tanggapan ni Chairman Francis Tolentino ng MMDA. Binigyan siya ng abugadong tutulong sa kanya.
Naglabas na ng resolusyon ang taga usig na may hawak ng kasong ito at nai-‘file’ na rin ang ‘information’ sa Korte, Branch 63.
Nakipag-ugnayan ang aming tanggapan sa ‘Clerk of Court’ ng Branch 63 upang makakuha ng kopya ng ‘warrant of arrest’.
Nagbalik sa amin si Fely dala ang kopya ng warrant of arrest ng taong ito.
“Maraming salamat sa tulong ninyo sana lubus lusbusin niyo na rin at mai-publish ang larawan nitong suspek para agad mahuli siya,” pahayag ni Fely.
Kami’y nanawagan sa mga nakakaalam ng kinaroroonan nitong si Eric John Ranao, maaring ipagbigay alam lamang sa aming tanggapan.
(KINALAP NI AICEL BONCAY)
Sa gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166 o 09198972854. Ang landline 6387285 at ang 24/7 hotline 7104038 o magpunta sa 5th floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.
* * *
Email address: [email protected].
- Latest
- Trending