Editoryal - Wala nang lumang gamit para sa PNP
Mabuti at nahalungkat ang isyu sa mga helicopter na binili ng Philippine National Police (PNP) noong 2009 na mga luma pala pero ang nasa dokumento ay brand new. Dahil sa anomalyang iyon ay nangako si President Noynoy Aquino na hindi na magkakaroon ng lumang equipment ang PNP habang siya ang presidente. Hindi niya papayagang gumamit ng pinaglumaan ng sinumang Herodes ang pambansang pulisya. Ginawa ni P-Noy ang pangako sa ika-110th anniversary ng PNP noong Lunes. Sa ilalim ng kanyang pamumuno ay magiging moderno ang mga equipment ng PNP at magkakaroon ng mga pagsasanay ang mga miyembro para makapaglingkod sa mamamayan.
Dapat lang na gawin ni P-Noy ang mga pina-ngako sapagkat lubhang kawawa naman ang mga miyembro ng PNP na kulang na kulang sa kagamitan para makatupad sa tungkulin. Madalas mapa-balita na marami pang pulis ang walang service firearm. Saan naman nakakita ng pulis na walang baril. Paano makikipaglaban sa mga criminal kung walang baril? Kaya may mga pulis na bumubulagta na lamang ay dahil walang armas. Tinalo pa ng mga criminal na matataas na kalibre ang dalang baril.
Dapat lang na magkaroon ng mga modernong gamit gaya ng baril ng pang-assault kapag may hostage taking. Naging kahiya-hiya ang PNP nang salakayin ang tourist bus na kinumander ng isang police officer noong nakaraang taon. Walong Hong Kong tourist ang pinatay ng police captain. Nilusob ng mga pulis ang bus pero hindi agad sila makapasok dahil palpak ang mga gamit. Walang ladder, axe, bullet proof vest, teargas at iba pa. Inabot sila nang matagal bago napasok ang bus at nailigtas ang iba pang bihag. Kung nagkataon na maraming nanghostage sa bus, maaaring napatay lahat ang mga pulis na sumalakay dahil wala silang mahusay na equipment at wala rin silang training sa ganoong mahigpit na sitwasyon. Sumalakay sila na hindi alam ang gagawin.
Dapat magkaroon na ng mga bagong kagamitan ang PNP. Huwag na silang bibigyan ng segunda mano at baka pumalpak ang kanilang pag salakay.
- Latest
- Trending