'Ako ito, huwag kayong matakot'
MULA sa aklat ng mga Hari ay tinalikuran ng mga Israelita si Yawe kaya sila’y pinarusahan. Lumindol, lumakas ang hangin na bumiyak sa bundok at kumalat ang apoy. Ang mga naganap na ito ay paalala sa atin ng Diyos.
Maging si Pablo sa kanyang liham sa mga taga-Roma ay nagpaalaala ng katigasan ng mga Hudio na ang hindi sumampalataya kay Hesus ay nakaranas naman ng pagdurusa. Sa laki ng pagdurusa sa kalungkutan ni Pablo ay nanalangin sa Diyos na “ako na sana ang isumpa at ihiwalay kay Hesus sa halip ng mga kapatid ko na mga kalahi ko.”
Sa hindi pagsisisi ng kanyang kapwa ay siya na lamang ang parusahan ng Panginoon.
Maging si Hesus ay nag-iisang pumunta sa kaburulan upang manalangin. Ang tuwinang pakikipag-usap Niya sa Ama ay nagpapalakas sa Kanyang misyon. Katatapos lamang masaksihan ng karamihan at mga alagad ang pagpaparami ni Hesus ng tinapay. Sila’y kumain at nabusog, subalit hindi pa sila lubusang sumasampalataya sa Kanya na maging ang paglakad Niya sa ibabaw ng tubig ay kinatakutan pa nila. Multo! Matapos sabihin ni Hesus na: “Ako ito, huwag kayong matakot” ay pinagdudahan pa ni Pablo: “Kung ikaw nga, papuntahin mo ako sa Iyo na naglalakad sa tubig”.
Pinalakad nga ni Hesus si Pablo at natakot pa sa malakas na hangin. Nawala ang pananampalataya at siya’y lumubog. Sino din ang nagligtas sa kanya. Tanging si Hesus na Panginoon at tagapagligtas. Ganyan tayo mga kapatid. Marami pa rin sa atin ang matigas ang kalooban. Mahina pa ang ating panananalig, pananampalataya at pagsisisi. Puro takot ang nasa ating puso at isipan sa mga unos na pagsubok ng Panginoon. Ang mga unos na yan ang ating mga problema at kaguluhan sa ating buhay.
Ginagabayan tayo ng Espiritu Santo upang makalakad tayo sa ibabaw ng unos ng buhay, subalit nagdududa pa tayo. Takot tayo sa mga bagyo ng buhay. Ibig sabihin nang mga suliranin sa pamilya, trabaho at pamilya ng ibang tao.
Kaya pagtibayin natin ang pananampalataya at lakas ng loob upang mapaglabanan ang mga unos at bagyo sa ating buhay. Hanapin natin at hingin ang awa ng Panginoon upang sagipin tayo sa mga alon at unos ng buhay.
1Hari 19:9-13; Salmo 84; Rom 9:1-5 at Mt 14:22-33
- Latest
- Trending