Senatorial
TRABAHONG marino ang ginawa ni Sen. Juan Miguel Fernandez Zubiri sa Senado mula pagkaupo – youngest Majority Leader, most hardworking, fighter for the environment. Obligasyon ni Sen. Zubiri na pangatawanan ang kanyang proklamasyon bilang senador at suklian ang tiwala ng mga bumoto sa kanya. Kung hindi niya ito ginawa’y siya pa ang pananagutin ng dereliction of duty.
Karapatan din niya bilang kandidato na tapatan ang protesta ni Atty. Koko Pimentel ng sarili niyang counter-protest – kahit pa nagmukhang delaying tactics lang. Sa panahon ng manual voting, lahat ng pandaraya ay posible.
Gayunpaman, kahit pa hindi ipagdamot sa kanya ang karapatang pangatawanan at ipaglaban ang kanyang proklamasyon, ni minsan ay hindi ako naniwalang tinalo ni Sen. Zubiri si Atty. Koko. GMA connection plus Maguindanao manipulation equals hesitation, reservation and suspicion. Ano pa man ang nagawa na niya bilang lingkod bayan, pinagkait pa rin sa kanya ng lipunan ang minimithing respeto para sa isang lehitimong halal ng bayan. Tulad ng nangyari noon kay Sen. Ralph Recto noong 2001. Pinagtalunan nila ni Sen. Gringo Honasan ang 12th position dahil ang 13th Senator ay three years lang ang termino (ang naiwan sa term ni Sen. Tito Guingona na ginawang Vice-President ni GMA). Dahil din sa boto nito mula sa Maguindanao at tatlo pang probinsya sa Mindanao, nabalot sa masamang hinala ang buong six- year term ni Recto.
Trahedya ni Sen. Zubiri ang ituring nang marami na huwad na Senador. Itoy hanggang sa ginawa niya ang pinaka-senatorial na bagay na maaari niyang gawin.
Ang pagbitiw sa puwesto dahil sa delikadeza ay ang pinakamarangal na akto na maaring gawin ng isang halal ng bayan. Isa rin ito sa pinakamahirap. Kakaibang tapang ang kailangan upang harapin ang hamon nito. Tatalikuran ang tiwala ng tao, isusurender ang halos walang hangganang kapangyarihan at tatanggalin sa sarili ang kaluguran ng paglingkod sa kapwa. Ta-nging ang may sukdulang pagpapahalaga sa interes ng nakararami at ang nakakaintindi na ang sariling interes ay segunda lamang ang siyang makagagawa ng ganito. Hindi ito madalas masaksihan sa buhay ng isang tao – ika nga ni Senate President Enrile, sa kanyang 87 years na itinagal sa planeta, hindi niya akalaing makaharap siya ng ganitong klaseng lingkod bayan.
Umalis si Sen. Zubiri sa Senado dahil pinagdudahan ang kanyang karapatan. Sayang at ang kanyang pagbitiw ang siya pang nagsilbing kumpir-masyon na – higit kanino man, karapat-dapat kay Sen. Zubiri ang titulo at respeto bilang Senador.
Senator Juan Miguel F. Zubiri Grade: Respetado
- Latest
- Trending