Editoryal - Walisin sa kalsada, mga mangmang na bus driver
MARAMING mangmang na bus driver ang nakakuha ng lisensiya sa Land Transportation Office (LTO). Ang mga mangmang na driver na ito ang nagbibigay ng takot sa mga pasahero at kapwa motorista. Kung bakit nakakuha ng lisensiya ang mga driver na ito, walang ibang dapat sisihin kundi ang LTO. Hindi dapat iniisyuhan ng lisensiya ang mga driver na walang kaalaman sa tamang pagmamaneho. Marami sa kanila ang hindi sumusunod sa batas-trapiko. Kahit na ang speed limit lamang ay 80 kph, nilalabag nila ito at 100 kph ang kanilang takbo. At ano ang kahahantungan ng hindi sumusunod sa batas? Walang iba kundi kamatayan. Ang masaklap pa dinadamay nila sa kanilang kamangmangan ang mga pasahero. Isinasama nila sa hukay.
Ang pagkahulog ng Dimple Star Transport mula sa Skyway noong Martes ay kagagawan mismo ng drayber. Ito ay base sa nakuhang video ng Skyway authorities na mabilis ang takbo ng bus na umano’y umaabot sa mahigit 100 kph. Ang speed limit umano sa Skyway ay 60 kph lamang. Sa bilis ng bus, nawalan ng control sa manibela ang drayber at bumangga sa railings ng Skyway. Lumusot sa barandilya at bumagsak sa 40 ft. na taas. Tatlo ang namatay at dalawa ang nasugatan. Kabilang ang drayber sa namatay.
Nakapanghihilakbot naman ang sinabi ng anak ng namatay na pasahero. Ang kanyang daddy raw ay minsan-minsan lang nilang makasama sapagkat isa itong seaman. Galing umano sa Maynila ang kanyang Daddy at inaayos ang papeles para sa muling pagsakay sa barko nang mangyari ang malagim na insidente. Pinutol daw ng pangyayari ang buhay ng kanyang daddy na minsan lang nilang makapiling. Ayon pa sa anak, kung sana raw ay naging maingat sa pagmamaneho ang drayber, hindi aabutin ng ganoong trahedya at buhay pa ang kanilang daddy. Lumuluha ang anak habang nagsasalita. Masamang-masama ang loob.
Kamangmangan ng bus driver ang dahilan nang maraming aksidente, Sana ay kumilos ang DOTC at bigwasan ang LTO para hindi na makapag-isyu ng lisensiya. Maraming katiwalian sa LTO na maski ang walang kaalaman sa tamang pagmamaneho ay binibigyan ng lisensiya. Nararapat lipulin ang mga corrupt na empleyado sa LTO.
- Latest
- Trending