Kasuhan na ang dapat kasuhan!
MAINIT na mainit na ang usapan ukol sa dayaan noong 2004 elections. Isang opisyal ng PNP at dalawang miyembro ng Special Action Force (SAF) ang lumabas na at nagsalaysay ng kanilang partisipasyon sa umanong palitan ng mga election returns (ER) sa Batasang Pambansa noong 2005. Ito ay ginawa sakaling magkaroon ng recount, lalabas na si dating President Arroyo pa rin ang nanalo noong 2004. Nagsampa na raw kasi noon ng electoral protest si Susan Roces kaya baka magkaroon ng recount. Ang ginawang operasyon ay utos daw galing sa kanilang superior na noong panahon na iyon ay si PNP Director General Hermogenes Ebdane, Jr. Siyempre may nag-utos kay Ebdane, na ngayo’y gobernador na ng Zambales. Sino pa ba ang makakapag-utos sa heneral?
May sangkot rin daw na taga-Comelec, kung saan ginawa yung mga pekeng ER. Kaya may dating opisyal din ng Comelec ang nadadawit ngayon. Marami pang detalye ang binigay ng mga lumantad, tulad ng P10,000 na bonus na natanggap nila matapos ang operasyon. Sinabihan lang sila na tumahimik na lang. Pero katulad ng madalas mangyari sa mga galamay na gumaganap ng krimen, kadalasan ay pinababayaan na lang silang mabulok, kung hindi “nililigpit”. Sa kaso ng mga gumanap noong pagpalit ng mga ER, tila ikinahiya at kinasuklaman sila ng mga kasama nila sa PNP, dahil alam kung ano ang kanilang ginawang krimen. Kung saan-saan sila pinag-lilipat. Ngayon, may video nang hawak si Sen. Panfilo Lacson na pinapakita ang operasyon mismo.
Ang dapat dito, kung may mga testigo at ebidensiya na, kasuhan na ang mga dapat kasuhan. Gawin na ng DOJ ang lahat para maging ma-lakas ang kaso, at sampahan na ang mga nasa likod ng pandarayang ito. Whistleblowers muli ang sentro ng isyu. Ang pinagkaiba lang ngayon, nasa panig ng administrasyon ang whistleblowers, hindi tulad noong nakaraang administrasyon. Pwede siguro sabihing mas malakas ang pag-asa na may makasuhan at maparusahan, lalo na’t may bagong Ombudsman na rin na nangakong walang papaboran at kikilingan(iyon din ang sabi ni Merceditas Gutierrez). Sana nga. Dapat may mangyari nang konkreto, hindi yung puro imbestigasyon at pahayag sa media na lang. May hangganan ang lahat na iyan, na hindi mapapalitan ng tunay na hustisya para sa mga ginawang kasalanan!
- Latest
- Trending