Katambal tapat hanggang sa huli
KUWENTO ito ng isang batang medical intern:
“Maraming pasyente sa clinic nu’ng umagang ‘yon, mga 8:30, nang dumating ang maginoong edad-80. Ipatatanggal ang mga tahi sa hinlalaki. Aniya nagmamadali siya dahil may appointment pa nang 9:00 a.m. Kinunan ko siya ng blood pressure at inakay sa upuan, habang tinatantiya na mga isang oras pa bago siya matignan ng sinomang doktor. Patingin-tingin siya sa relos, at dahil wala na akong ibang pasyente, ako na ang sumuri sa sugat. Nakita kong lubos na itong humilom, kaya nagpa-alam ako sa head doctor, at humingi ng medical supplies para bunutin ang mga tahi at bendahan muli ang daliri.
“Habang nililinis ko ang sugat, tinanong ko ang maginoo kung kaya siya nagmamadali ay meron pang ibang ka-appointment na doktor. Aniya wala, pero kailangan niyang tumungo sa karatig na nursing home para sabayan ang esposa na mag-almusal. Inusisa ko siya tungkol sa kalusugan ng asawa, at sabi niya matagal na rin ito nasa nursing home dahil sa Alzheimer’s Disease, na pagka-ulianin.
“Habang nagkukuwentuhan, biniro ko kung magtatampo ang misis kung maatraso siya nang konti para sa almusal. Aniya hindi na nito alam kung sino siya, limang taon na ngang hindi siya nakikilala.
“Nabigla ako, kaya tinanong ko ang maginoo, ‘At pinupuntahan niyo pa rin siya tuwing umaga, miski hindi na niya kayo naaalala?’
“Ngumiti ang matanda, tinapik ako sa braso, at sumagot, ‘Hindi man niya alam kung sino ako, pero alam ko pa rin kung sino siya.’
“Pinigilan ko ang luha habang pinapanood ang maginoo na paika-ika pero nagmamadaling umalis. Naisip ko na sana ay pumasok rin sa aking buhay ang gan’ung klaseng pag-ibig.”
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending