Café Katiwalian
NANG marinig ko ang pagsisiwalat ni President Aquino ukol sa anomalya sa PAGCOR, kung saan isang bilyong piso umano ang ginastos para sa kape sa mga taon ng pamumuno ni Efraim Genuino, hindi ako agad nakumbinse. Pero nang lumabas ang mga tala ng gastos taun-taon para nga sa kape, na binebenta sa mga kliyente ng PAGCOR habang nagsusugal sa mga casino, doon ko natanggap na ganun nga kagahaman ang mga nasa likod ng iskandalong ito! At sa karagdagang impormasyon, asawa ng kaibigan ni Genuino ang nag-iisang supplier ng super mamahaling kape!
Ang pinaka-mahal na kape sa mundo ay ang Kopi Luwak. Hindi ko na ilalarawan kung bakit mahal at baka hindi matanggap ng iba, pero ito ang pinaka-mahal sa mundo. Nasa isang libong piso kada tasa. Pero hindi na nalalayo ang kape ng PAGCOR! Sa paglabas ng mga detalye hinggil sa bagong basura na nadiskubre na naman mula sa PAGCOR, nahawakan ng nag-iisang supplier na asawa ng kaibigan nga ni Genuino ang coffee shops sa pitong casino ng PAGCOR. Ang kontrata ay nasa tatlo hanggang limang taon, na sigurado sila rin ang nakaka-renew kapag repaso na ang kontrata.
Ang masama pa, pinilit ng PAGCOR ang kanilang mga empleyado na itulak ang kape sa mga kliyente, at binigyan pa ng quota ang bawat empleyado! Kawawa naman yung mga barista na nagtitimpla ng mga kape kung lahat na lang ng empleyado ay pinipilit siyang magtimpla para maabot nila ang kani-kanilang mga quota! Ilan lang ba ang kamay ng mga barista? Kaya sa kanilang imbestigasyon, halos P700 milyon ang kinita ng supplier sa loob ng 10 taon! Sa kape pa lang iyan. Wala pa yung ibang mga raket na hindi pa nahahalungkat!
Ganito ang pamana na iniwan ng mga tauhan ni Gloria Macapagal Arroyo. Kaya huwag nang magsalita ang mga kaalayado nito sapagkat kitang-kita na ang kanilang mga sistema ng pagnakaw sa bayan. Wala silang puwedeng ibida kung ganito naman kagahaman ang mga katumbas na katiwalian. Hindi ako naniniwalang hindi alam ng dating presidente ang pinaggagawa sa PAGCOR.
Tama lang na dapat parusahan ang mga nasa likod ng mga anomalya. Kung hindi sila nagnakaw ng ganitong halaga, napakalaki na sana ng maiipon ng gobyerno para sa mga programa na tunay na may saysay. Lahat na lang ninakawan. PAGCOR, PCSO, AFP , PNP, DPWH, lahat na! Habulin lahat iyan, para makamit naman ng mamamayan ang hustisya!
- Latest
- Trending