P225-M PRC scam
MUKHANG nakatuon ang mga naglalabasang balita sa mga kapalpakan ng nakalipas na administrasyon na sinasalo ng bagong administrasyon. Nakakahilo! Pero tama na ang finger-pointing at magtrabaho na lang para iwasto ang sinasabing palpak. Hindi madali pero iyan ang dapat gawin imbes na humanap ng “escape-goat” kapag hindi agad nararating ang goal.
Kahapon ay may lumabas na balita tungkol sa multi-milyon pisong anomalya sa Professional Regulations Commission (PRC). Anomalya umano sa computerization ng tanggapan na naganap noon pang administrasyon ni dating Presidente at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Arroyo, ayon kay Nueva Viscaya Rep. Carlos Padilla. Galit na galit ang Kongresista sa pagtuligsa sa sumemplang na proyekto.
Pinagkagastusan daw ang programa ng P225 milyon pero hindi naman napapakinabangan. Dapat daw ay tapos na ang programa noong pang 2003 pero hanggang sa ngayon ay hindi pa nakukumpleto at ang malaking bahagi ng pondo na umaabot sa P30 milyon ay naibayad lang sa mga consultancy fee.
Sabi naman ng bagong pamunuan ng PRC sa ilalim ng Aquino administration, abala ngayon ang ahensya na maging operational na sa lalung madaling panahon ang computerization program na sumemplang sa nakalipas na administrasyon.
Iyan naman ang inaasahan natin para ang mga baluktot na daang tinahak noong araw ay maituwid sa liderato ni Presidente Benigno “Noynoy” Aquino III. Ang Chair ng PRC ngayon na appointee ni P-Noy ay si Teresita Mananzala na nanungkulan sapul pa noong Enero ng taong ito.
Aniya, inatasan na niya ang mga ICT consultants at iba pang program managers ng PRC na magsagawa ng ebalwasyon ng mga IT applications na tinanggap ng nakalipas na pamunuan ng PRC. Ang atas na ito ng bagong chairperson ay bunsod ng nabigong completion ng computerization program na dapat sana’y nabuo na noon pang 2003.
Ngunit ayon kay Mananzala, may mga component ang programa na napakinabangan na tulad ng “walk-in examination” na ipinatupad sa licensure exam para sa mga marine engineer officers at marine deck officers mula pa noong nakaraang taon.
Sa dinami-dami kaya ng mga programang sinimulan nang nakaraang administrasyon, ilan pa kaya ang magpapasakit sa ulo ng administrasyon ngayon? Pero sabi nga, no use crying over spilt milk. Trabaho lang.
- Latest
- Trending