EDITORYAL - Hamon sa 'Mitsubishop'
KUNG totoo ang pahayag ng ilang Obispo na isasauli na ang ibinigay na sasakyan sa kanila, magandang pangitain ito. Nagpapakita lamang na nanaig ang konsensiya at hindi hinayaang lumawak pa ang usapin ukol sa mga sasakyan na kaloob umano ni dating President Arroyo. Matitigil na ang mga pagbatikos kapag isinauli na ang mga sasakyan at mawawala na ang isyu ukol dito. Maaaring mamatay na kapag naipakitang naisauli na ang mga SUV. Tinig ng konsensiya ang dapat pakinggan dito at wala nang iba pa.
Kung hindi naman nila susundin ang konsensiya at hahayaang manatili sa kanilang poder ang mga sasakyan, malaking kabawasan ito sa kanilang pagkatao. Pati ang mga Obispo na hindi naman nakinabang ay makakaladkad din sa kontrobersiya. At mawawalan din ng kredibilidad ang mga Obispo sapagkat hindi magkakaroon ng katotohanan ang kanilang sinisermon ukol sa kalinisan ng kalooban. Paano pa maniniwala kung sila mismo ay ayaw sundin ang konsensiya?
Nahalungkat ang isyu sa mga SUV dahil sa kontrobersiyang nangyayari sa Philippine Cha-rity Sweepstakes Office (PCSO) kung saan ay lumalabas na ginamit ang pondo ng ahensiya sa mga “ghost project” ng dating administrasyong Arroyo. Nabunyag ang malaking intelligence fund na nagkakahalaga ng P138-milyon.
Pinayuhan na rin naman ng mga opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang mga kapwa nila Obispo na nakatanggap ng SUVs na isauli ang mga ito sa PCSO. Para raw matapos na ang mga usapin ukol dito. Pinalalaki naman umano ng mga senador na nagga-grand standing ang isyu.
Pagsasauli sa pinanggalingan ang narara- pat gawin ng mga Obispo. Iyon lang at wala nang iba. Sapat na iyon para naman maibalik ang tiwala sa kanila ng taumbayan, higit sa lahat ng mga Katoliko.
- Latest
- Trending