MARAMI nang groceries at department store ngayon ang hindi na gumagamit ng plastic bags. Pawang papel na supot na ang kanilang ginagamit na lalagyan ng customer. Maraming bayan na ang nagpapasa ng ordinansa na bawal gumamit ng plastic na supot ang mga tindahan. Kapag nahuling gumamit ng plastic na supot ay pagmumultahin. Maraming bayan at lungsod sa Metro Manila ang nagpapatupad na huwag nang gumamit ng plastic bag. Isa ang Muntinlupa sa mga nagbabawal sa paggamit ng plastic bags.
Noong nakaraang Linggo, maraming environmentalists ang nagtipun-tipon sa Quezon Memorial Circle, Quezon City at kapansin-pansin ang hawak nilang mahabang lubid na may mga nakakabit supot na plastic na may iba’t ibang kulay. Tila banderitas ang mga plastic na supot. May streamers at banner din silang dala na nagsasabing huwag nang gumamit na plastic bags. May nagsasalita rin ukol sa masamang dulot ng plastic sa kapaligiran. Hindi na dapat tangkilikin ang mga supot na plastic sapagkat ang mga ito ang bumabara sa waterways.
Noong Biyernes ay bumaha na naman sa mara-ming lugar sa Metro Manila dahil sa malakas na ulan. Marami namang na-stranded sapagkat mara-ming kalsada ang hindi madaanan ng sasakyan. Maraming empleado at mga estudyante ang napilitang maglakad pauwi.
Wala pang isang oras bumuhos ang ulan subalit mabilis na umapaw ang mga kanal at creek. Sa isang iglap ay agad naging dagat-dagatan ang maraming lugar. Wala namang sama ng panahon ayon sa PAGASA.
Ang mga plastic na supot at shopping bags ang dahilan kaya may mga pagbaha sa Metro Manila. Ang mga ito ang bumabara sa mga drainage. Hindi nabubulok ang mga ito. Nang bumaha sa Marikina noong 2009 dahil kay “Ondoy”, mga plastic na supot ang tinangay sa mga subdibisyon doon.
Marami nang namumulat sa perwisyong dulot ng plastic na supot. Sinisira nito ang kapaligiran. Inaasahang marami pang pinuno ng bayan at lungsod ang gagayahin ang ginawa ng iba pa na ipinagbawal ang paggamit ng plastic sa kanilang nasasakupan. Nasa kanila ang kapangyarihan para mapangalagaan ang kalikasan.