Nasa utak lang ang problema
MULA nang ikasal sina Marivic Gracia at Fred Rivera ginamit na ng babae ang apelyido ng asawa pati sa pagkuha ng passaport. Ang lumalabas nga sa kanyang passport ay ang apelyidong “Rivera”, ang pangalan niyang “Marivic” at ang gitnang pangalan na “Gracia”. Bago mapaso ang passport, kumuha na si Marivic ng bago pero pinakiusap niya na babalik na lamang siya sa paggamit ng apelyido niya sa pagkadalaga kahit na kasal pa siya kay Fred. Hindi pinagbigyan ng DFA si Marivic. Ayon daw sa Section 5 [d] RA 8239 -Philippine Passport Act of 1996, puwede lang bumalik sa paggamit ng kanyang apelyido sa pagkadalaga ang aplikanteng babae kung napawalang bisa ang kanyang kasal, nakakuha siya ng diborsyo sa asawang banyaga o kaya ay namatay ang asawa. Walang kahit isa sa mga kondisyones sa kaso ni Marivic.
Kinuwestiyon ni Marivic ang naging desisyon ng DFA. Ayon sa kanya, kapag nagpakasal ang isang babae, ang nagbabago lang ay ang estado niya sa buhay at katunayan ay puwede pa niyang gamitin ang apelyido sa pagkadalaga. Ginamit niyang basehan ang batas (Art. 370 Civil Code) kung saan isinasaad ang mga puwedeng paraan ng paggamit ng apelyido ng asawa. Sa batas kasi, sinasabing puwede niyang gamitin ang kanyang buong pangalan at pagkatapos ay idagdag ang apelyido ng asawa, o kaya ay gamitin ang apelyido niya kasunod ang apelyido ng asawa o kaya ay ang pangalan ng asawa at lagyan lang ng “Mrs.” sa unahan ng pangalan para tukuyin siya bilang asawa. Hindi naman daw kailangang sundin ang nakasaad sa batas. Isa pa, lalabas daw na magkakontra ang pagbabawal sa kanya sa paggamit ng apelyido niya sa pagkadalaga sa ilalim ng RA 8239 sa isinasaad naman ng Art. 370 ng Civil Code. Tama ba siya?
MALI. Iniisip lang ni Marivic na magkakontra ang isinasaad ng Art. 370 ng Civil Code sa Sec. 5 (d) RA 8239. Imahinasyon lang niya ito at hindi totoo. Sa RA 8239 ay hindi pinagbabawalan at pinapayagan pa nga ng DFA ang isang babae sa paggamit ng apelyido niya sa pagkadalaga sa kanyang pasaporte. Kaya lang, sa oras na piliin ng babae na gamitin ang apelyido ng asawa sa kanyang pasaporte, hindi na niya mababalik ang nakasaad na pangalan sa pagkadalaga maliban kung 1) namatay ang asawa, 2) nagdiborsyo, 3) nawalan ng bisa ang kasal, at 4) nadeklarang walang bisa ang kanilang kasal. Dahil kasal pa naman si Marivic kay Fred, hindi siya puwedeng bumalik sa paggamit ng apelyido niya sa pagkadalaga.Ipagpalagay man natin na kinontra ng RA 8239 ang Civil Code, ang RA 8239 naman ay espesyal na batas na dapat manaig sa nilalaman ng isang ordinaryong batas tulad ng Civil Code. Dapat tandaan na mas namamayani ang espesyal na batas kaysa ordinaryong batas. Isa pa, hindi pinapaboran sa atin ang tinatawag na “implied repeal” o hindi tuwiran na pagpapawalang-bisa ng isang batas. Ang posibleng pagkakaiba ng dalawang batas ay dapat munang magtugma. Kailangang ipakita na magkakontra ang dalawang batas at hindi puwedeng magsabayan.
Hindi naman talaga magkakaproblema si Marivic kung hindi niya naisipan na baguhin ang apelyido sa kanyang pasaporte at ipinagpatuloy na lamang ang paggamit ng apelyido niya sa pagkadalaga. Siya ang pumili na gamitin ang apelyido ng asawa sa kanyang aplikasyon. Ngayon naman ay gusto niyang ibalik ang apelyidong gagamitin sa pagkadalaga. Kung papayagan siya, ano naman ang garantiya na sa susunod ay hindi niya maiisipan na muling bumalik sa paggamit ng apelyido ng kanyang asawa. Hindi naman makatwiran na magpapalit-palit ng pangalan sa pasaporte. Hindi ordinaryong dokumento ang ating pinag-uusapan at katunayang, ito pa nga ang pinakamahalaga sa lahat ng pampublikong dokumentong ating pinanghahawakan. Malilito lang at magkakagulo sa mga rekord. Ang kaso ni Marivic ay pareho sa kasong Remo vs. Secretary of Foreign Affairs, G.R. 169202, March 5, 2010.
- Latest
- Trending