EDITORYAL- Walang katapusang kaso
ISA sa pinaka-kontrobersiyal na kaso na naganap noong 1991 ay ang pagpaslang sa mag-iinang Estrellita, Carmela at Jennifer Vizconde sa kanilang tahanan sa BF Homes, Parañaque City. Bago pinatay, ginahasa muna si Carmela.
Dalawampung taon na ang nakalilipas mula nang maganap ang karumal-dumal na krimen pero hanggang ngayon ay hindi pa natatapos. At tila wala na ngang katapusan kahit na-acquit ng Supreme Court si Hubert Webb at mga co-accused na sina Antonio Lejano, Hospicio Fernandez, Michael Gatchalian, Miguel Rodriguez at Peter Estrada noong Disyembre 2010. Ang dalawa pang suspects na sina Joey Filart at Dong Ventura ay hindi pa nahuhuli. Umano’y tumakas ang mga ito makaraang mangyari ang krimen at kasalukuyang nasa United States.
Iniutos ni President Aquino sa Department of Justice (DOJ) ang pagsasagawa ng reinvestigation sa kaso. Nilikha ng DOJ ang Task Force Vizconde. Ayon sa task force, narito sa bansa si Hubert nang maganap ang krimen, taliwas sa sinasabing nasa US ito. Marami pang witness ang nagsabing nasa bansa si Hubert. Pinresenta rin ang magnetic reel tape ng Bureau of Immigration na nagsasaad na walang Hubert Webb na lumabas ng bansa. Ganunman, kahit na may mga lumabas na bagong testigo, sinabi ni DOJ secretary Leila de Lima na hindi na maaaring kasuhan ang mga akusado dahil lalabag sa double jeopardy.
Umalma naman sina Hubert Webb sa ginawa ng National Bureau of Investigation at ni De Lima mismo. Hindi raw kapani-paniwala ang paglutang ng mga bagong witness. Balak nilang ipa-disbar si De Lima. Lalaban daw sila. Sagot ni De Lima, nakahanda siya sa anumang balak gawin sa kanya. Haharapin niya ang mga ito.
Kailan matatapos ang kasong ito? Walang makapagsasabi. Maaring hindi na makita ang katapusan lalo pa’t may mga suspect pang nakalalaya. Kung mapagsisikapan ng NBI na madakip ang mga suspect baka sakaling magkaroon ng pagbabago. Pero hanggat hindi iyon nagagawa, walang indikasyon na maisasara ang kasong ito.
- Latest
- Trending