'Working Moms'
NAPAG-USAPAN namin ng aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang ulat ng Department of Labor and Employment Regional Office V-Bicol hinggil sa naobserbahang pagdami ng “working moms,” na nagtatrabaho roon. Ito ay kaugnay ng “study on employment trending” sa nasabing rehiyon na iniulat nina DOLE-RO V Director Atty. Alvin Villamor at Labor Information Officer III Raymond Escalante.
Anila, ang pagdami ng female workers sa kanilang rehiyon ay unang naging kapansin-pansin noong huling bahagi ng 2009 kasabay ng Global Financial Crisis, kung saan ay maraming kababaihan ang nagdesisyong humanap ng trabaho kabilang ang mga nanay na nais makadagdag sa kita ng kanilang asawa.
Sa 2009 job fair na inilunsad ng DOLE sa Bicol ay may naitalang 11,591 female applicants, habang 11,093 naman noong 2010, at sa unang bugso pa lang ng job fair ng ahensiya ngayong 2011 ay mayroon na agad 5,489 na female applicants. Lumalabas umano na 28,173 ang female applicants sa loob ng dalawa’t kalahating taon, na halos malapit na sa bilang na 36,373 male applicants sa naturang period. Halos kalahati umano ng mga female applicant ay natanggap sa trabaho.
Anila, dumarami ang mga negosyong nagbubukas ng magagandang job opportunity para sa kababaihan laluna yung mga nasa services category tulad ng restaurants, malls, department stores, at mga opisina.
Mayroon umanong lumulutang na ilang konsiderasyon at agam-agam hinggil sa posibleng maging epekto nito sa mga pamilya laluna sa mga anak dahil nababawasan ang oras ng mga nanay para sa kanila, pero ang mga ito ay puwedeng matugunan sa pamamagitan ng iba’t ibang hakbangin para sa ibayong pagpapatatag ng pamilya.
Ayon kay Jinggoy, ang malaking positibong nakikita sa trend na ito ay ang katibayan ng patuloy na tumataas na pagkilala at pagpapahalaga sa mga kababaihan bilang mga produktibo at epektibong bahagi ng ating lipunan.
- Latest
- Trending