Huwag sayangin ang tulong kung tatanggapin!

Pagkaraan ng ilang linggong nakikipag-bangayan at pormahan ang Pilipinas sa bansang China ukol sa pinagtatalunang Spratly Islands, nagsalita na rin ang Amerika matapos unang magbigay ng pahayag na hindi makikialam sa kasalukuyang girian ng dalawang bansa. Ang Pilipinas daw ay isang kasangga, at gagawin ng Amerika daw lahat para mapalakas ang depensa ng bansa. Gagawan ng paraan para makabili ang Pilipinas ng mga bagong kagamitan para mabantayan ang lugar ng West Philippines Sea, at para ipagtanggol ang teritoryo.

Ganito ang pananalita ng mga Amerikano ngayon, kasama na si Se-cretary of State Hillary Clinton. Walang sinabi na sila ang makikipag sapalaran sa China, kundi tutulong para makabili ang Pilipinas ng mga bago o mas magagandang kaga-mitan para madepensa ng sapat ang teritoryo ng bansa. Sa madaling salita, uutang na naman tayo para mabili nga ang mga gamit na ito na hindi naman libre. Parang bibigyan, o bebentahan tayo ng isang mala-king tubo, para makalaban sa isang di hamak na mas malaki sa atin! Ang tanong, mabubuhat ba natin ang tubong iyan?

Maganda naman at nagpahayag na ng konkretong suporta at tulong ang Amerika dito sa unti-unting kumukulong gulo sa West Philippine Sea. Nagpadala pa nga ng hindi kukulang sa tatlong bota de gera ang Amerika sa Palawan, para makilahok sa mga pagsasanay kasama ang Hukbong Karagatan natin. Hindi naman daw para manindak sa China at ipakitang may resbak tayo kundi para magsanay lamang. Sabihin na nila ang lahat ng gusto nilang sabihin, pero siguradong hindi magugustuhan ng China ang mga kilos ng dalawang bansang ito. At China pa lang iyon, wala pa ang Vietnam, Malaysia, Taiwan, Brunei. Sa ngayon naman ang kalaban ng lahat ay China dahil siya ang lumalabas na bully sa sitwasyong ito.

Ang hindi natin kailangan sa ngayon ay mga kilos-protesta na naman ukol sa “tulong” na binibigay ng Amerika. Natatawa na lang ako sa mga nagsasabing walang dapat makialam sa problemang ito sabay pahayag na wala tayong kalaban-laban sa China pero nagmamatapang nang husto. Kung may tutulong, tanggapin. At kung tinanggap ang tulong, gamitin nang maayos. Hindi kung kanino na naman mapupunta o mabebenta ang mga kagamitan, mga armas, mga bala, mga pagkain. Sayang lang ang tulong, na sa totoo lang ay kailangan na kailangan natin!

Show comments