^

PSN Opinyon

Editoryal - Anim na mamamahayag na ang naitutumba

-

MAG-IISANG taon pa lamang ang gobyerno ni President Aquino pero anim na mamamahayag na ang napapatay sa ilalim ng kanyang administrasyon. Ang ika-anim na mamahayag ay si Romeo Olea, 49, broadcaster ng dwEB-FM sa Nabua, Camarines Sur. Pinatay siya noong Lunes ng madaling araw habang nakamotorsiklo patungo sa kanyang pinagtatrabahuhang radio station. Dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo ang bumaril sa kanya. Patay na siya nang idating sa ospital.

Nakahihindik ang ganitong nangyayari na balewala na kung ratratin ang mga mamamahayag. Ang walang takot na pagpatay sa mga mamamahayag ay sampal din sa Aquino administration sapagkat ipinakikita lamang ng mga criminal na hindi sila natatakot sa kasalukuyang pamahalaan. Sampal din sa Philippine National Police (PNP) sapagkat nakita ang kanilang kahinaan sa pagprotekta sa mamamayan. Hanggang ngayon, blanko ang PNP kung sino ang mga suspek. Wala pa silang lead kung sino ang utak at ano ang dahilan.

Mula 1986 hanggang sa kasalukuyan, 145 na ang mamamahayag na naitutumba at karamihan sa mga ito ay hindi pa nabibigyang hustisya. Ang mga kaanak ng biktima ay uhaw na uhaw na sa hustisya. Bumibilang na ng taon pero walang makitang pag-asa kung paano mahuhuli ang mga salarin at ang utak ng pagpatay. Noong Nob. 23, 2009, 30 mamamahayag ang pinatay sa tinaguriang “Maguindanao massacre”. Walang awang pinagbabaril ang mga biktima at saka inilibing sa sinadyang hukay. Hanggang ngayon, wala pang nakikitang liwanag sa kaso. Suspek ang mga Ampatuan sa karumal-dumal na krimen. Maraming natatakot na walang mangyari sa karumal-dumal na krimen. Masyadong mabagal ang hustisya.

At nadagdagan na naman ang mga mamamahayag sa pagkakapatay kay Olea. Nadagdagan din naman ang pangamba na baka hindi malutas ang pagpatay kay Olea dahil sa kahinaan ng PNP at iba pang ahensiyang nag-iimbestiga. Maaaring mapabilang sa tambak ng kaso.

Nararapat gumawa ng mahusay na hakbang ang pamahalaan para maprotektahan ang mga mamamahayag. Atasan ang PNP na madaliin ang pag-iimbestiga at iharap ang mga responsable sa krimen. Pagbayarin sila sa nagawang pagpatay sa mamamahayag.

AMPATUAN

AQUINO

CAMARINES SUR

HANGGANG

MAMAMAHAYAG

NOONG NOB

PHILIPPINE NATIONAL POLICE

PRESIDENT AQUINO

ROMEO OLEA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with