Missing the point!
KAGAGALING lang ni President Aquino sa Brunei Darussalam (June 1-2) kung saan nakipagkita siya hindi lamang kay Sultan Bolkiah kundi sa business community ng nasabing bansa.
Nakihalubilo si Aquino sa Filipino community sa Brunei at binisita rin niya ang Jollibee franchise doon sa may Yayasan complex.
At gaya ng nakagawian, gumagawa ng report card si Aquino ukol sa naging resulta ng kanyang pagdalaw sa Brunei at kung may nahikayat bang mga investors ang kanyang delegasyon.
Sa pangkalahatan ang naging pakay ng state visit ay upang lalong paigtingin ang relasyon ng dalawang bansa bilang kapwa miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Ngunit may isang bagay na nakaligtaang bigyang-diin ng Palasyo ukol sa state visit ni Aquino sa Brunei--- ito ay ang espesyal na relasyon ng Bandar Seri Begawan at Mindanao.
Totoong nagpasalamat si Aquino kay Sultan Bolkiah sa tulong ng Brunei sa peace process bilang kasapi ng International Monitoring Team. Ngunit higit pa riyan ang relasyon ng magkalapit na Brunei at Mindanao na member states ng Brunei,Indonesia, Malaysia and the Philippines-East ASEAN Growth Area (BIMP-EAGA) geo-economic grouping.
Kaya sana naisip ng Communications Group ng Palasyo ang kahalagahan ng relasyon na ito ng Brunei at Mindanao. Ito sana ang binigyang diin ng Message team ng Communications Group.
The Palace team seems to have missed the point. The Palace appears to be clueless on steps taken for many years already for the development of Mindanao which include linking with its neighboring areas like East Indonesia, East Malaysia and Brunei.
Maraming project si Sultan Bolkiah sa Katimugan na kinabibilangan ng isang Mosque sa Central Mindanao. May joint venture din ang Brunei sa Butuan City na isang coconut sugar project. At mahalaga rin ang joint venture telecommunication project na mag-link sa BIMP-EAGA areas na kung saan may combined market na higit sa 60 million consumers.
Maging ang Marco Polo Hotel na isa sa leading hotels sa Davao City ay pagmamay-ari rin ng Sultan ng Brunei.
Nakaligtaang isulong ni Aquino ang kapakanan ng Mindanao nang siya’y dumalaw sa Brunei. At sana bago tumungo si Aquino ng Brunei ay nakapag-research man lang ng maayos ang kanyang Presidential Management Staff at Communications Group at nang ang mga bagay na ito ay maisaayos man lang.
Sana imulat ang mga mata ng mga taga- Palasyo sa kahalagahan ng Mindanao at kailangang ibaon sa mga kukote nila na ang Pilipinas ay hindi lang ang Luzon o ang Metro Manila o di kaya’y ang EDSA lang.
- Latest
- Trending