Wala nang yosi kadiri
BABAY “Takatak boys”! Kahapon, ipinatupad ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang paghuli sa mga naninigarilyo sa mga pampublikong lugar sa Metro Manila. Tiyak na tatamaan din ang mga maliliit na negosyante sa kalye na ang ikinabubuhay ay ang pagtitinda ng yosi sa mga motorista. Ang “Takatak boys” ay isinusugal ang buhay sa pakikipag-patintero sa mga sasakyan sa mga pangunahing kalsada sa kalakhang Maynila upang buhayin ang kanilang pamilya. Ngunit ngayong bawal nang magyosi sa kalye tiyak na apektado ang kanilang hanapbuhay at kasabay nito ay ang pagkagutom. Di naman kasi ubra na candy at basahan na lamang ang kanilang ilalako sa kalye dahil matumal naman ito. Ewan ko lang kung anong alternatibong solusyon ang ipagkakaloob ni President Noynoy Aquino at ni MMDA Chairman Francis Tolentino sa “Takatak boys’’.
Sa kabilang banda malaking tulong ang programa ng MMDA para makaiwas sa cancer ang mamamayan. Lumalabas na maraming nagkakasakit sa tinatawag na second hand smoker o yung nakalalanghap ng usok mula sa naninigarilyo. Upang maiiwas ang publiko sa mga yosi kadiri ay papatawan ng P500 na multa ang mahuhuling nagyoyosi sa pampublikong lugar. Kung walang maibabayad, walong oras na community service ang ipapataw sa violator. Kaya ngayon pa lang, tigilan na ang paninigarilyo upang makaiwas sa multa. Walang buti na naidudulot ang sigarilyo sa katawan kaya tumigil na sa paninigarilyo.
Habang ipinatutupad ang “Smoke Free Nation” ay sumisigaw naman ang mga tobacco planter dahil mawawalan sila ng hanapbuhay. Katulad na lamang sa Ilocos na ang pinagkakakitaan ay pagtatanim ng tabacco Magugutom sila. Pero kahit ano pa ang gawin ng ilang kababayan na naapektuhan ng pagbabawal sa paninigarilyo tiyak na ipatutupad ito ng pamahalaan. Dahil maging si P-Noy ay nilimitahan na ang paninigarilyo. Kailangan din kasi niyang sumunod para maging epektibo ang kampanya laban sa paninigarilyo. Nararapat na siya ang maging halimbawa ng mamamayan.
- Latest
- Trending