Wild elephant, pinasok ang grocery sa Thailand at kumuha ng pagkain!
ISANG hindi pangkaraniwang eksena ang naganap sa isang grocery sa Nakhon Ratchasima, Thailand nang biglang dumating ang elepante para maghanap ng meryenda.
Habang abala ang may-ari ng tindahan na si Khamploi Kakaew sa kanyang mga customers, biglang dumiretso ang isang wild elephant sa loob ng tindahan at kumuha ng matatamis na rice crackers, saging, at sandwich.
Ang elepante na ang pangalan ay “Plai Biang Lek” ay kilala na sa Nakhon Ratchasima bilang pasaway na elepante.
Hindi ito ang unang beses na nagdulot ng gulo sa lugar ang elepante. Kilala na siyang pumapasok sa mga bahay para maghanap ng pagkain.
Sa kabila ng sigaw at pakiusap ng may-ari at ng mga park ranger, tahimik lang na kinain ni Plai Biang Lek ang napiling meryenda. Umabot sa siyam na pakete ng rice crackers at iba pang paninda ang naubos bago ito tuluyang napaalis matapos ang mahigit 10 minuto.
Bagama’t walang nasaktan na sinuman at minimal lang ang pinsala na umabot sa 1000 baht, malinaw na ipinakikita ng insidente ang lumalalang tensiyon sa pagitan ng tao at wildlife sa Thailand.
Ayon sa mga tagapangalaga ng kalikasan, dumarami na ang insidente ng mga elepanteng pumapasok sa mga bahay at tindahan dahil sa patuloy na pagliit ng kanilang natural habitat dulot ng paglawak ng sakahan at komunidad ng tao.
Ayon sa mga eksperto, ang pagiging mas mapangahas ng mga elepante ay malinaw na senyales ng desperasyon: kumakaunti na ang pagkain sa kagubatan, kaya napipilitan silang maghanap sa residential areas.
Sa ganitong sitwasyon, napakahalaga ng kooperasyon ng mga komunidad at awtoridad upang mapanatili ang balanse ng kalikasan at kaligtasan ng tao.
- Latest
















