Hina-hunting na Pulis
(Unang bahagi)
PANANAKIT, pananakot at pang-aabuso. Ito ang karaniwang sumbong laban sa ating mga kapulisan.
Sa kabila ng iba’t ibang programa ng pamunuan ng Philippine National Police bilang tugon sa mga reklamong ito, tila yata hindi pa rin nalilinis ang kanilang hanay.
Kaya naman, hindi na bago para sa BITAG at ISUMBONG MO KAY TULFO ang pagdagsa ng mga biktima ng mga abusadong pulis.
Tulad na lamang ng inilapit sa Isumbong mo kay Tulfo sa Radyo ni Jeff Abada. Inerereklamo niya ang pamamaril sa kanya ng isang di kilalang pulis ng Pasay City.
Nagkayayaan lang sila ng kanyang tropa para magkasiyahan sa isang bar sa may kahabaan ng Macapagal Ave., nang biglang pagtripan sila ng kolokoy na pulis na ito.
Ang simpleng pangungulit at pang-haharass nauwi sa barilan at dali-daling tumakas ang pulis at ang isang kasama nito sakay ng motor.
Dito nagsimulang tutukan ng grupo ng Isumbong Mo Kay Tulfo ang kaso ni Jeff.
Sa isinagawang pag-iimbestiga, isang Francis Reforma ang may-ari ng motor na ginamit ng di kilalang pulis.
Nang puntahan ng grupo si Reforma, naibenta na daw niya ang motor. Ang problema, hindi niya maalala kung kanino niya ito naibenta dahil wala silang deed of sale.
Sa pagkakataong ito, minabuti ng Isumbong mo kay Tulfo na makipag-ugnayan sa Police Security and Protection Group o PSPG. Ang misyon maituro ng biktima at ng kanyang testigo ang mukha ng suspek.
Sa tanggapan ng hepe ng PSPG na si P/S Supt. Ariel
Andrade, masusing tiningnan ng biktima ang iprinisintang police gallery ng Pasay. Subalit, wala sa mga ito ang pulis na namaril sa kanya nung gabing iyon.
Sunud-sunod na tinungo naman ng Isumbong mo kay Tulfo ang tanggapan ng Special Action Force at ang mismong Pasay Police Station upang makasiguro kung Pulis Pasay nga ang aming hinahanting.
Subalit sa ikalawang pagtatangka, negatibo at wala pa din sa photo gallery ang aming subject.
Dahil napansin ng Isumbong mo kay Tulfo na walang malinaw na aksyon ang Pasay City Police Station sa pag-iimbestiga, inilapit na namin ang kasong ito sa National Bureau of Investigation National Capital Region.
Dito, mismong si Special Agent Aldrin Mercader ang nagpatawag sa may-ari ng motorsiklo na si Francis Reforma upang masimulan ang totoong imbestigasyon.
Abangan ang kasunod…
- Latest
- Trending