Ituwid dapat ang pananaw
LUMIHAM patanong si mambabasa Sinned Ibaf: “Ganyan na ba tayong mga Pilipino, ibinibintang sa kalaparan at sa U-turn slots ng Commonwealth Avenue, Quezon City, ang malimit na banggaan ng sasakyan at sagasaan ng tao du’n? Hindi ba’t ang may kontrol ng manibela ay mga tsuper, at ng pasya ay mga pedestrian na tumatawid du’n imbis na gamitin ang mga overpass?”
Mabuti’t binatikos niya ang baluktot na pag-iisip na-ting mga Pilipino. Malimit tayong mabanlag sa pag-aanalisa ng problema. Kung saan-saan lumulundag ang ating pananaw. Halimbawa:
• Kapag may mandurukot sa Quiapo na tumakbo sa mosque, nire-report sa diyaryo na “magnanakaw na Muslim.” Animo’y may kinalaman sa relihiyon ang krimen. Pero kung sa simbahan tumungo at nahuli, hindi naman inuulat na “magnanakaw na Kristiyano.” Ibang detalye ang nire-report, tulad ng, batay sa tattoo, miyembro ito ng Sigue-Sigue Commando o ng Batang City Jail.
• Kung nabaha ang bahay, sinisisi natin ang gobyerno sa hindi pag-dredge sa mga estero. Hindi natin iniisip na tayo rin ang dumagdag sa pagbabara ng mga estero dahil sa pagkakalat natin sa kalye, at sa di paglahok sa mga programang recycling at composting.
• Kung natabunan ng mudslide ang bulubunduking baryo, sinasabi natin na malas na lang nila dahil sa tadhana. Hindi natin inaalintana na bawal sa Revised Forestry Code (P.D. 705 ng 1975) magbahay, magkomersiyo o magmina sa mga lupa na may 18% slope (10.2 degrees incline). Gubat lang ang maari doon.
Ilang halimbawa lang ito. Tiyak marami pa kayong ibang alam na mga baluktot na pananaw na hindi dapat palaganapin.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending