Huwag nang magbulag-bulagan
TATAWAGIN ng Kongreso ang mga opisyal ng LTO, BOC at NBI para ipaliwanag ang mga proseso at patakaran ukol sa pagpasok ng mga mamahaling sasakayan sa Pilipinas. Bunsod ito ng pagdiskubre ng 25 sasakyan sa mga bodega ni Allan Bigcas. Walo sa mga sasakyan ay ninakaw umano sa Amerika, kasama na rito ang isang mamahaling motorsiklo na pag-aari ng isang sikat na manunulat sa Hollywood. Ang FBI ng Amerika mismo ang nagsabing mga nakaw ang sasakyan.
Ayon kay Bigcas, maayos ang pagbili at pagpasok niya sa mga sasakyan, at idedemanda raw niya ang NBI sa ginawang raid at pagkumpiska ng kanyang mga sasakyan. Pero habang tumatagal, tila walang kredibilidad ang mga pahayag ni Bigcas, na hindi nga nag-uugnay-ugnay ang mga sinasabi! Ang sabi, tatlong taon na nang bilhin niya ang motorsiklo na pag-aari ng taga-Hollywood, pero ayon sa FBI, noong isang taon lang nanakaw! Negosyante raw pero walang maipakitang mga papeles o lisensiya para magpasok ng mga imported na sasakyan!
Ano pa ba ang kailangan sa kasong ito? Malinaw na pinasok ang mga sasakyan nang hindi ligal. Malinaw na magagawa lang ni Bigcas ang lahat ng kanyang nagawa dahil may malakas na koneksiyon sa Bukidnon at Cagayan de Oro. Dapat nga magpaliwanag ang Customs kung paano naipasok ni Bigcas ang ganyang karaming sasakyan nang hindi man lang hinanapan ng lisensiya o dokumento ukol sa “negosyo”! Ayon kay Bigcas, may mga dokumento raw siya para sa lahat ng sasakyan. Eh sino pa ba ang gagawa ng mga dokumentong iyan kung tunay nga na meron siya?
Bata pa lang ako, smuggling na ang problema ng bansa. Malaki ang nawawala sa gobyerno sa buwis na makokolekta sana para sa mga pinapasok na kagamitan at kalakal. At sinong ahensiya ba ang nangunguna kapag pagpasok ng gamit mula sa ibang bansa ang pinag-uusapan? Bakit pinag-aawayan nang husto ang mga matataas na posisyon sa Customs, lalo na sa mga babaan ng kagamitan? Huwag nang mag bulag-bulagan kasi. Sibakin na lahat iyan at mag-lagay ng mga tapat na tao. Mga walang kilala sa lugar, kung puwede, mga may mataas na edukasyon at may malasakit sa bayan. Iyan ang dapat gawin ng Kongreso. Total, wala na si Merceditas Gutierrez para ibalik ang mga sisibakin!
- Latest
- Trending