'Sabwatan'

MARAMI ang nalilito sa pagbibigay ng serbisyo ng Consultancy, Travel and Tours Agency at ng Recruitment Agency. Kadalasan, napagkakamalan silang iisa ang negosyo, ang magpaalis ng mga gustong magtrabaho sa abroad.

Kaya naman marami ang nabibiktima ng illegal recruitment kung saan ang suspek at ang nanloko, mismong mga consultancy agency.

Ayon sa Philippine Overseas Employment Administration, walang karapatan ang mga consultancy at travel and tours agency na magpaalis ng trabahador sa ibang bansa. Wala itong lisensiya, tanging mga recruitment agency lamang.

Trabaho lamang ng mga negosyong ganito na umalalay, magpayo, magproseso at umasiste sa mga Pilipinong mangingibang bansa upang maging TURISTA at hindi upang magtrabaho.

Dagdag pa ng POEA, kapag nagpaalis ang mga consultancy, travel and tours agency ng mga aplikante palabas ng bansa, illegal recruitment ito.

Babala, daang libong piso kung maningil ang mga ahensiyang ito. Kung aasa ang isang aplikante na makakapagtrabaho siya sa ibang bansa sa tulong ng consultancy agency, sa huli, luluha ka.

Katulad ng isang ginang na lumapit sa BITAG. Ang kaniya lamang daw tanging pakay ay makuha ang refund  sa Australian Nurse, Student and Migration Consultancy na matatagpuan sa Greenhills San Juan.

Halos tatlong daang libong piso raw ang ibinayad ng kaniyang pamangkin na lisensiyadong nurse, sa pangako ng ahensiya na makakapagtrabaho ito sa Australia.

Bago tawagan ng BITAG ang ahensiya, idinikdik namin sa isip ng nagrereklamong ginang na may kasalanan sila sa problemang ito. Kung tutuusin, nakipagsabwatan pa sila sa panloloko at kasinungalingan ng ahensiya.

Alam ng mga aplikante na pinepeke at dinadaya ang kanilang mga papeles ng ilang consultancy agency upang makalusot, mula sa embahada pa lamang ng basing pupuntahan.

May mga salbaheng consultancy agency rin na papa­yuhan at tuturuan pa ang mga aplikante na mag-TNT na lamang sa ibang bansa upang mas matagal na makapag-stay roon.

Sa reklamo ng ginang, kaya sila nagtiwala ay dahil may kakilala na raw silang napaalis nito noon at kasalukuyan nang nagtatrabaho sa ibang bansa. Malikot mag-isip ang BITAG, hindi ko alam kung anong hocus focus ang ginawa ng ANSMC.

Ang mensahe, ‘wag maki-pagsabwatan, ‘wag sumakay sa kasinungalingan, ‘wag tangkilikin ang anumang pandaraya at panloloko. Tandaan, lahat ng kasamaan ay may kaparusahan, hindi man sa otoridad subalit sa kinikilala niyong lumikha.

Show comments