EDITORYAL - Handugan ang OFWs ngayong Labor Day
Kung gugustuhin ng pamahalaang Aquino, may maganda silang maihahandog sa overseas Filipino workers (OFWs) ngayong Araw ng Paggawa. Simple lang, ito ay ang pagsikapan na maproteksiyunan ang mga OFW habang nasa ibang bansa. Tulungan ang mga minamaltrato, hindi pinasusuweldo, ginagahasa at kung anu-ano pang ginagawang panloloko. Tapusin na rin ang paghihirap ng OFWs na nananatili sa ibang bansa sapagkat walang maipamasahe. Sila yung mga overstaying na nagsitakas sa kanilang among malupit.
Isang magandang halimbawa ay sa Saudi Arabia kung saan 4,500 Pinoys ang overstaying. Karamihan sa kanila ay nasa Hajj centers. Pero kahit na nasa Hajj centers ang mga overstaying OFWs, nagbabayad ang Philippine government ng 15 Riyals bawat isa sa kanila araw-araw. Kaya mai-imagine kung gaano kalaki ang perang ginagastos ng Pilipinas sa mga OFW doon. Sa Jeddah na lamang ay may 1,084 overstaying OFWs at nanunuluyan sila sa Hajj center doon pero mayroon din namang naninirahan sa mga ilalim ng tulay. Gusto na ngang magpadakip ng mga OFW sa mga pulis para maging madali ang kanilang repatriation pero sa malas ay ayaw ding gumastos ang Saudi government kaya hinahayaan na silang lumaboy-laboy doon. Gusto ng mga overstaying na Pinoy na hulihin sila ng mga pulis para maging madali ang pagpapatapon sa kanila sa Pilipinas. Iyon ang kanilang paraan na naisip sa kagustuhang makaalis na sa Saudi Arabia.
Kung gagastusan ng gobyerno ang mga overstaying Pinoy, nangangailangan ng P24-milyon para sila mailipad pabalik sa Pilipinas. Ito ay batay sa pagtaya ni Vice President Jejomar Binay na inatasan naman ni P-Noy na tumingin sa kalagayan ng mga OFW. Hiniling ni Binay sa Malacañang na mag-release ng pera para ganap na mapauwi lahat ang mga OFW. Kunin daw ang pera sa President’s Social Fund o sa iba pang funding source at ibili ng plane ticket. Ito lamang umano ang tanging paraan para mapauwi ang mga overstaying OFW.
May katwiran si Binay. Dapat nang mapauwi ang mga overstaying Pinoy. Ito ang magandang regalo na maihahandog ngayong Araw ng Paggawa. Tapusin na ang paghihirap nila sa Saudi Arabia.
- Latest
- Trending