Mas magandang kapalit na
ISANG eroplano ng Philippine Air Force (PAF) ang inulat na bumagsak sa Bagac, Bataan. Sa dagat bumagsak ang S-211 jet trainer at pandigma. Kumpirmadong patay ang piloto na nakita sa ilalim ng dagat. Inaalam pa ang kasama nito sa eroplano.
Hindi lang ito ang aksidente kung saan sangkot ang S-211. Noong 2002, bumagsak ang isang S-211 sa Cabanatuan, Nueva Ecija. Patay ang dalawang piloto at tatlong tao na binagsakan ng eroplano. Noong 2007, isang S-211 ang nawala na lang matapos ikutan ang Spratly Islands. Sa ngayon ay hindi pa alam ang nangyari sa eroplano at mga piloto. Noong nakaraang taon, isang S-211 ang bumagsak sa Concepcion, Tarlac. Mabuti na lang at naka-eject ang dalawang piloto bago bumagsak. Ayon sa mga nakausap kong mahihilig sa eroplano, hindi nila alam kung bakit ang S-211 ang piniling bilhin ng Pilipinas bilang trainer at ground attack na eroplano. Animnapung S-211 ang ginawa ng SIAI Marchetti, at Pilipinas at Singapore lang ang mga bansang gumamit nito. Marami na ang pwedeng sabihin ukol sa eroplano at siguradong may kwento kung bakit ito ang pinili. Ginamit ng Singapore ang S-211 noong 2008 bilang trainer na lamang. Maraming ibang eroplano na halos kapareho ng S-211 na gamit nang maraming bansa katulad ng Dornier Alpha jet at British Aerospace Hawk. Sana yun na lang daw ang binili at maraming bansa, pati mga kapitbahay natin sa Timog-Silangang Asya, ang gumamit ng mga ito. Maaaring mas mahal, pero baka naman mas matibay rin.
Sinulit naman ng PAF ang paggamit sa S-211. Ginamit bilang trainer, at kapag kailangan, panlaban na rin. Sa pagbagsak ng S-211, mabibilang na lang siguro sa isang kamay ang mga natitirang eroplano na pwede pang lumipad. Pagod na rin siguro ang eroplano kaya naglalabasan na rin ang mga problema. Indikasyon na ito ng matinding pangangailangan ng bagong kapalit sa S-211. Pero base sa nilaan na budget para sa AFP, mukhang hindi mangyayari ito sa madaling panahon.
Mahalaga ang malakas na Hukbong Himpapawid, dahil sa lawak ng lugar na sakop ng Pilipinas, na puro isla pa man din. Lalo na ngayon at kailangan ikutan nang madalas ang Spratlys, dahil tumitindi na naman ang debate kung sino ang may karapatan sa mga isla. Kung pipili na ng kapalit, sana yung babagay sa ating bansa, at gawa ng kilalang kumpanya na pinagkakatiwalaan nang maraming bansa. Magagaling naman ang mga piloto natin, maging militar o sibilyan. Kailangan lang talaga ng magandang papaliparin din.
- Latest
- Trending