Kalasag sa talas ng patalim
PINASINAYAAN kahapon ng Department of Labor and Employment at Philippine Overseas Employment Admi-nistration (POEA), sa pakikipagtulungan ng Philippine Association of Law Schools (PALS), ang kampanyang “Citizens watch against illegal recruitment and human trafficking”.
Matagal nang misyon ni POEA Administrator Carlos S. Cao, Jr. ang mabigyan ng libre ngunit epektibong ser¬bisyong ligal ang mga OFW na nalalamangan ng kanilang mas marurunong na employer at recruiter. Dahil kapit sa patalim, karaniwan nang napapapayag ang mga kababayan natin sa mga kondisyon ng trabaho na labag sa pinag-uutos ng batas at sa napagkasunduan. At kung hindi nag-iingat, marami sa kanila ang napapasakamay sa mga masamang elemento.
Dahil sa matimbang na kontribusyon sa ekonomiya ng kababayang OFW at batid ang sakripisyo nila para sa bansa, agarang tinanggap ng PALS ang imbitasyong umalalay ang mga law schools. Sa bisa ng Agreement na pinasok ng POEA at PALS, isasama ang Citizens Watch sa hanay ng mga programang legal aid ng mga law student ng Pilipinas.
Malaking bagay ito para sa mga OFW, lalo na ang mga nabiktima ng manloloko. Hindi biro ang ipaglaban ang karapatan sa mga panahon na ito, lalo na kontra sa employer at recruiter na may mga abogado sa bulsa. Sa pasikot sikot ng batas at regulasyon ng labor and employment, duduguin ka sa pag-intindi. Kulang ang legal department ng POEA at ng lahat ng ahensya ng DOLE upang umayuda sa dagsang OFW na may problema. Kaya tamang tama na ang mga magiting na mag-aaral ng batas ang tatayong kalasag sa talas ng kinakapitang patalim ng ating mga kababayan.
Ang pakinabang ng OFW ay yaman ding iiwan sa mga estudyante. Pagkakataon itong magmatrikula sila sa paghawak ng aktuwal na kaso. Higit dito, tsansa itong maimulat ng maaga ang kanilang mata sa mga suliranin ng lipunan na sila mismo ang aasahang sumagot balang araw, gamit ang kanilang matutunan sa pag-aral ng batas.
Congratulations sa mga OFW, sa mga law students, sa POEA at kay Administrator Cao, at sa PALS sa pangu-nguna ni PALS President at U.E. Law Dean Amado D. Valdez.
- Latest
- Trending