^

PSN Opinyon

'Tsunami ng bato at bote'

- Tony Calvento -

MGA kabataang umano’y miyembro ng gang sa Brgy. 145, Sto. Niño. Nasa paltik na baril ang angas… nangunguyog at nag-uumpisa ng kaguluhan. Dito napasama ang isang mabait na binata.

Ang binatang tinutukoy ay si Danilo Marquez o ‘Utoy’. Nagtungo sa aming tanggapan ang nakakatanda niyang kapatid na si Sharon. Kasama niya ang tiyahing si Diana at hipag na si Eliza.

Inilahad nila sa amin kung paano nasangkot sa isang gulo ang kuya ni Utoy na si Randy, 32 taong gulang ng dahil sa paglayo nito kay Utoy sa mga barkdang masamang impluwensya.

Apat na dekada ng nakatira sa brgy. Sto. Niño, Pasay City ang mag-anak. Ang pagpaparenta ng mesa, pitsa at tako (pool)  ng pamilya Marquez ang tinuturong ugat kung bakit napalapit si Utoy sa kapwa menor de edad na itatago namin sa mga pangalang ‘Rey’, ‘Kim’, at ‘Anne’ (isa umanong tibo).

Dahil ka edaran sila ni Utoy at pareho sila ng interes naging miyembro na rin siya ng grupo. Simula pa lamang pinayuhan na ni Randy si Utoy na iwasan na niya ang mga ito. Kalat ang balita na mga ‘frat members’ ang mga ito. Kinatatakutan sila dahil puro sila mga ‘war freaks’ (pala away).

Ika-5 ng Abril 2011, inimbitahan si Utoy sa ‘graduation party’ ni Anne. Kasama niya si Rey at Kim na pumunta sa bahay nito. Maliban sa kanila may mga iba pang bisita. Alas nuwebe pa lang ng gabi simula na ang selebrasyon at inuman.

Inabot na ng lampas ng hating gabi si Utoy. Kinakabahan si Randy na lumalalim ang gabi na nasa kalye ang kanyang kapatid kasama ang barkada.

“Naisip ko baka nasasangkot na sa masamang gawain ang grupong ito at damay ang kapatid ko. Alumpihit naman ako sa bahay kaya’t naisipan kong puntahan siya,” ayon kay Randy.

Pagdating niya kina Anne nakita niya si Utoy na sa may mesa at sa harap nito’y maraming bote ng alak.  “Umuwi ka na”, pasigaw na sinabi ni Randy.

Lasing na ang mga bisita kaya’t sinaway siya ng isa sa mga ito, “Wag kayo dito mag-away magkapatid.”

“Huwag mo kaming pakialaman kapatid ko siya…Walang kwenta pala ‘tong mga kaibigan mo!” sabi ni Randy.

Nabastusan ang tatay ni Anne sa mga sinabi ni Randy. Palabas na sana siya ng pinto ng harangin siya nito,“Wag niyong palabasin yan… binastos ang pamamahay ko!”

Nakisali ang kapatid ni Anne na si Jerry. Mabilis niyang sinara ang pinto. May mga bisitang umawat upang hindi na sumiklab ang gulo. Lumabas si Randy bitbit si Utoy. Hindi nila alam sinundan sila ni Jerry na maraming kasama.

Makalipas ang ilang sandali narinig ng kanyang tiyahin na si Diana ang malalakas na sigaw, “Jerry… Jerry tama na!”. Lumabas siya nadatnan niya si Jerry bitbit ang isang ‘dos por dos’ na kahoy habang hinahataw kay Randy.

Pinansalag ni Randy ang braso subalit nakipalo rin daw mga lalakeng may bitbit ring mga kahoy. Kinuyog siya ng barkada ng kanyang kapatid. Bugbog sarado si Randy.

Dumating ang mga barangay tanod. Kanya-kanyang sibat ang mga kabataan. Matapos humupa ang gulo naisipan ni Diana na kausapin itong si Jerry dahil alam niyang hindi pa tapos ang lahat. Kilala niya ito, siga siya sa lugar.

Matigas magsalita si Jerry at diretsong sinabi kay Diana, “Dapat kinausap niya ng maayos si Utoy. Binastos niya ko, ang tatay ko, ang pamamahay namin. Kulang pa inabot niya. Tandaan mo babalikan ko yan!” sabay talikod kay Diana at lumakad papalayo. Tinignan siya ni Diana ng may takot.

Nakarating ito kay Kapitan Julian Tonggo at denisesyunan niyang huwag munang kausapin ang mga taong sangkot habang mainit pa sila sa isa’t isa.

Bandang alas 3:00. Ginising na lang ang pamilya Marquez na parang nililindol ang kanilang bahay. Malalakas na kalabog sa kanilang bubong, pinto at dingding. Mga tunog rin ng nababasag na bote ang kanilang narinig.

Nakiramdam muna ang asawa ni Diana na si “Ding”. Nung inakala niya na natigil na ang batuhan mabilis siyang nagtungo sa Presinto 6 ng Pasay PNP. Pinayuhan siya na makipag-ugnayan sa kanilang barangay.

Pagbalik ni Ding, ikinabigla niyang makitang pati ang tatay nila Randy na isa ng 72 taong gulang na sangkot na rin sa gulo. May hawak na bato at ipinupukol sa grupo.

Naging inutil ang mga tauhan ng barangay dahil armado umano ng baril ang mga kabataan. Umulan ng mga bote at bato mula sa magkatunggaling panig. Ang ginawa ng buntis na anak ni Diana na si Chel bumalik sa Presinto 6 at kinausap ang mga pulis. Ayaw daw sumama ng mga ito at kinailangan na mag-‘hysterical’ at magwala itong si buntis. Ayon sa kanila nagpadala ng isang puils tabatsoy (di tuloy malaman ng mga tao kung sino ang pulis at sino ang buntis).

Tuloy naman ang bakbakan sa labas ng bahay ng Marquez. Natigil lang ang gulo ng may duguan na. Putok ang ulo ni Jerry dahil sa tama ng bote. Napaatras ang kanilang grupo para gamutin ang mga sugatan.

Pakiramdam ng pamilya ni Randy na mas lalong lumaki ang galit sa kanila ng grupo nila Jerry. Mismong lider ang sugatan. Sigurado silang nagpapalakas, nagpaplano at nag-aarmas ang mga ito para sa susunod nilang paglusob. Mala tsunaming bato at bote na tatama sa kanilang tahanan ang kanilang inaasahan.

Bago pa mangyari ang mga ito lumikas na sila at iniwan ang kanilang bahay. Sa ngayon nakikitira na lang sila sa kanilang tiyahin sa Pasig. Tinatanong nila ang kanilang sarili kung makakabalik pa ba sila sa kanilang dating tahanan. Ligtas ba naman sila kapag ginawa nila ito? Ito ang dahilan kung bakit nagsadya sila sa amin upang ihingi ng tulong at permanenteng solusyon ang problema sa kanilang lugar.

Itinampok namin ang istorya ni Sharon sa CALVENTO FILES sa radyo. Ang “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ 882 KHZ (tuwing 3:00-4:00 ng hapon).

Bilang agarang aksyon kinapanayam namin sa radyo si P/P/Dir. Nicanor Bartolome ang District P/Director ng National Capital Region Police Office (NCRPO). Ipinaliwanag namin sa kanya ang pangamba ng pamilya Marquez na sila’y lulusubin nila Jerry. Upang mapigilan ang anumang kaharasan hindi lamang sa pagitan ng pamilya Marquez at sa grupo nila Jerry pati na rin ang ‘Gang War’ sa lugar na yun, piñatawag ni P/Dir. Bartolome ang Chief ng Pasay PNP na si S/Supt. Napoleon Cuaton. Inatasan nito na paigtingin ang kampanya laban sa mga ‘loose fire arms’ (at mga paltik), gang wars, illegal na paggamit ng droga at ang paglalasing na rin ng mga menor de edad. Personal na hiningi ni P/Dir. Bartolome ang ‘contact number’ ni Randy at siniguro nito na ang mga tauhan ng Pasay PNP ay gagawing matahimik ang kanilang lugar upang siya at ang kanyang pamilya ay makarating sa kani-kanilang tahanan.

Ngayon pa lang kami ay nagpapasalamat kay P/Dir Bartolome sa ipinamalas niyang pagmamalasakit sa mga ‘maliliit’ nating mamamayan tulad nila Sharon, Eliza, Diana at ang kanilang pamilya. Ito’y naglalarawan ng magandang imahe na nais ipakita ng mismong pinuno ng NCRPO sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa ating lipunan kung saan ang bawat mamamayan ay dapat maging kapakipakinabang. “PULIS @ YOUR SERVICE!”, sigaw ni P/Dir Bartolome.

 (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)

Sa gustong dumulog ang aming numero 09213263166 o 09198972854. Ang landline, 6387285 at 24/7 PLDT hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.

* * *

Email address: [email protected]

KANILANG

LSQUO

RANDY

SILA

SIYA

UTOY

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with