Diploma

Ang Marso at Abril ay matatapos na

magtatapos na rin ang mga eskwela;

Sila ay tatanggap ng mga diploma –

bilang katibayang sila’y nakapasa!

Nasa tatlong antas aakyat sa stage

milyun-milyong mag-aral ating mamamasid;

Kanilang graduation magigng marikit

pagka’t nagwakas na mga pagsasakit!

Mga estudyante – mayama’t mahirap

regalo’y diploma sa buong mag-anak;

Magiging masaya ang amang nagsikap

gayundin ang inang nagtiis ng hirap!

Pero ano kaya ang kahihinatnan

ngayong sarado na mga paaralan?

May trabaho kayang matatagpuan –

mga college graduate, angkop-karunungan?

At ang tapos high school anong mangyayari

sa kolehiyo kaya sila’y mayro’ng parte?

Magpatuloy siya sa kursong mabuti –

o mahinto na lang sa bahay magsilbi?

At paano kaya ang primary graduates

na hindi natutong magsulat o mag-read?

Tatanggapin kaya sa high school na nais

kapos na sa dunong, magulang ay gipit?

Lahat ng magulang pangarap sa anak

ito’y mapagtapos kahi’t na mahirap;

Pero kung ang bata’y hindi magsisikap

matutulad sila sa amang halaghag!

Santambak na ngayon kahit college graduate

walang mapasukan sa kursong nakamit;

Kaya ang diploma hayo’t nakasabit

dekorasyon lamang sa palasyo’t pawid!

At dito ang dapat aksyon ng gobyerno

at ng mga taong nasa sa Kongres –

Gumawa ng batas para sumaklolo

sa mga nagtapos na walang trabaho!

Show comments