Editoryal - Sino pa ang magsusundalo?
KULANG sa sundalo ang Armed Forces of the Philippines (AFP). Kaya nagsasagawa sila ng recruitment sa mga kabataang 18-taong gulang pataas at may malusog na pangangatawan. Para maraming mahikayat na magsundalo, binabaan na ng AFP ang height requirement. Maaari na umanong maging sundalo ang may taas na 5 feet mula sa dating 5’4’’. Bago maging sundalo, dadaan muna sa mahigpit na training ang recruits. Umano’y anim na buwan na isasailalim sa training ang recruits. Kapag nalampasan ang training, isa nang ganap na sundalo ang recruits.
Pero makaraang mapanood sa Youtube ang pagpapahirap sa mga trainee ng Army’s 9th Infantry Division, mayroon pa kayang papasok na sundalo? Hindi kaya matakot ang mga kabataang gustong mapabilang sa Armed Forces of the Philippines? Meron pa kayang maghahangad na maglingkod para maipagtanggol ang Inambayan laban sa mga kaaway?
Ang 14 na minutong video ay nagpapakita kung paano pinahihirapan sa pamamagitan ng pagpalo ng lubid at stick ang mga bagong recruits o trainees. Dinig na dinig ang pagsigaw ng trainees dahil sa sakit na nararamdaman kapag pinapalo. Bago ang napanood sa Youtube, isa pang klase ng pagpapahirap ang una nang napanood sa Facebook kung saan, apat na sibilyan na nakapiring at nakatali ang mga kamay ang sinisipa ng Marines. Ang lugar na pinangyarihan ng pagpapahirap ay sa isang niyugan.
Inamin naman ng AFP na ang napanood sa Youtube ay kuha noong 2008 at bahagi raw ng tinatawag na “Escape and Evasion” o ang “Echo-Echo”. Ayon sa isang sundalo na nagpadala ng sulat sa Dear Editor column ng Pilipino Star NGAYON ang “Echo-Echo” ay isang paraan kung saan ay inihahanda ang kakayahan ng trainees (physical at mental) sakaling hindi palarin at mahuli ng mga kaaway. Bahagi raw talaga iyon ng training at hindi torture o pagpapahirap. Pero nilinaw ng AFP na itinigil na ang ganoong paraan ng training. Sinabi rin naman ng AFP na ang source ng video na na-upload sa Youtube at Facebook ay ang grupong identified sa mga komunista.
Totoo man o hindi na sa mga makakaliwa nanggaling ang video, maipagpapasalamat na naipakita sa nakararami ang ginagawang pagpapahirap sa mga trainees. Kung hindi napanood at nabulgar, magpapa-tuloy ang ganoong masamang gawain. Hindi kaila-ngan sa lipunan ang ganoong pagpapahirap.
- Latest
- Trending