NAGIGING madasalin ang maraming tao ngayon simula nang mangyari ang sunud-sunod na kalamidad tulad ng lindol, tsunami at baha sa iba’t ibang bansa na ang pinakahuli ay ang Japan. Panahon man ng kalamidad o hindi, manalangin lagi tayo sa Dios.
Kausap ko ang isang kaibigan. Tanong niya, Simula na ba ito ng wakas? Sa Mateo 24:6-7 kasi, sinabi ng Panginoong Jesus na ang dulo ng mga huling araw ay kakikitaan ng mga sigalot sa mga bansa at mga kalamidad tulad ng lindol. Pero hindi pa ang talagang wakas iyan. Mga sintomas pa lang iyan ng mga mahihirap na araw na darating. Parang babala sa mga taong nakalilimot nang tumawag sa Dios.
Ako’y naniniwala sa Biblia. Ang mga nangyayari’y hindi parusa ng Dios kundi bunga ng pagiging palalo ng tao na sumira sa kalikasan na nagbunga rin ng pagiging sakim ng marami.
Siyanga pala, tatlong dayuhang propeta sa katauhan nina Neville Johnson, Sadhu Sundar Selvaraj at Vincent Selvakumar ang magsasalita sa 22nd National Prayer Gathering na gaganapin sa Cuneta Astrodome, Pasay City bandang 1 p.m. hanggang 9 p.m. sa Abril 12-15.
Ang okasyon na pinangunahan ng Intercessors for the Philippines, Inc. (IFP) sa pamumuno ni Bishop Daniel Balais, ay para sa lahat. Puwedeng dumalo kahit anong relihiyon o paniniwala mayroon kayo.
Ayon kay Selvakumar, sa mga huling araw ay humirang ang Dios ng mga bagong propeta para mangaral ng katuwiran sa daigdig. Ito’y kagaya ng sinasabi sa aklat ni Joel 2: 28-29 “Ibubuhos ko ang Aking Espiritu sa lahat ng tao; ipapahayag ng inyong mga anak ang aking mga salita.” Sa harap ng mga nangyayari ngayong natural na kalamidad at pag-aaway-away ng tao hindi mo kailangang maging propeta para ideklara na ito’y bunga ng pagsama ng ugali ng maraming tao. Dito lang sa ating bansa, may mga opisyal na nililimas ang kaban ng bayan habang mala-king bahagi ng populasyon ang kumain-dili. Inihula na ito sa 2 Timoteo 3 na nagsasabing darating ang mga mapanganib na araw na ang tao’y magiging palalo at sakim, suwail sa magulang, walang pag-ibig sa puso at walang Dios. Grabe, ito na nga ang panahong tinutukoy sa Biblia. Walang duda!