EDITORYAL - Pag-isipan muna ang balak na nuclear plant
KAHAPON ay sumabog ang ikatlong reactor ng Fukushima nuclear power plant. Animo’y hugis kabute ang usok na bumalot sa papawirin ng Sendai. Pinangangambahan na ang usok ay tangayin ng hangin at magdulot ng radiation sa mamamayang nakapaligid sa Sendai at ilang malapit na lugar gaya ng Miyagi. Ang Sendai at Miyagi ang grabeng tinamaan ng tsunami kung saan 2,000 ang pinaniniwalaang namatay. Sa lakas at taas ng tsunami, pati ang barko ay sumampa sa tuktok ng isang building. Nagkaroon ng tsunami makaarang yanigin ng 8.9 lindol ang Sendai.
Ang pagsabog ng nuclear plant sa Japan ay nagdulot ng pagpapanic maging sa Pilipinas. Tinatangay na umano ng hangin ang usok na ibinuga ng planta at pinapadpad sa Pilipinas. Kumalat ang messages sa text at isang unibersidad ang sinuspinde ang klase sa takot na maapektuhan ng pagsabog. Umano’y maaaring magkasakit sa balat at magka-cancer ang sinumang makalanghap ng hangin mula sa nuclear plant na sumabog.
Sa nangyari sa Japan na ang kanilang nuclear plant naman ang nagbabantang magsabog ng lagim, napakagandang pagkakataon para pag-isipan kung dapat pang ituloy ang balak na nuclear plant sa bansa. Nakikita na ang masamang epekto kapag sumabog. Magandang source ng kuryente ang nuclear pero mabagsik naman kapag nagkaroon ng aberya. Maraming mamamatay kapag nagkaroon ng leak ang planta katulad na rin ng nangyari sa Chernobyl Nuclear Power Plant sa Russia noong 1986. Nag-leak ang nuclear plant.
Kung hindi tinutulan ang pagtatayo ng Bataan Nuclear Plant sa Morong, siguro’y nag-ooperate na at mayroon nang napapakinabang na kuryente. Pero dapat din namang tingnan ang maaaring mangyari sakalit magkaroon ng leak o katulad ng nangyari sa Japan na nag-overheat makaraan ang lindol. Dapat pag-aralan munang mabuti bago isakatuparan ang nuclear plant. Malaki nga ang maitutulong pero mas malaki ang mapipinsala kapag sumingaw o tinamaan ng tsunami.
- Latest
- Trending