^

PSN Opinyon

'Ang bata at ang balon'

- Tony Calvento -

NILIBOT ang buong lugar. Hinanap kung saan matatag­puan ang tatlong taong gulang na batang naglahong pa­rang bula.

Sa isang balon namataan ang tsinelas nito na lumu­lu­tang.

Nagsadya sa aming tanggapan si Lito Ramos, 38 taong gulang ng Mangatarem, Pangasinan,

Inilalapit niya ang pagkamatay ng kanyang pamangkin na si Carl Adrian Alambra o “Cocoy”.

Ika-21 ng Enero, despidida ni Marlyn, tiyahin ni Cocoy na nagtatrabaho bilang ‘chamber maid’ sa Barcelona, Spain.

Nang magkukuhanan na ng litrato ang buong pamilya na­pan­sin nila na nawawala si Cocoy. Hiniling ni Marlyn na tawagin si Cocoy. Sumagot naman si Cynthia, ina ng bata na, “Andyan lang yan baka naglalaro lang”.

Bandang alas-11:00 ng umaga, umalis na si Marlyn ng hindi man­lang nakapagpaalam sa pamangkin. Umabot na ng alas-12:00 ng tanghali hindi pa rin umuuwi ang bata. Kadalasan alas-11:30 ng umaga nasa bahay na ito para mananghalian.

Isang oras ng nawawala si Cocoy kaya naalarma sila. Nag­tanong sila sa mga kalaro at sa kapitbahay ngunit wala ito. Si­na­bi naman ni Darlene, panganay na kapatid nila Cynthia, nagmeryenda pa si Cocoy mga bandang alas-10:30 ng umaga sa kanyang tindahan. Tatlong oras nilang hinagilap si Cocoy.

Naisip ni Adonis Alambra, ama ni Cocoy na tingnan ang isang balon na malapit lang sa bahay nila. Ang balon na tinu­tukoy niya ay ang ginagawang poso ng simbahan ng mga Mor­mons na siya namang gagamitin ng mga tao sa kanilang lugar. Nakatakip lamang ito ng isang plywood.

Kasama ni Adonis ang pamangkin niya na si “Bandang”, 19 na taong gulang.

Pagtanggal ng ‘plywood’ nakita nila ang palutang lutang na tsine­las ni Cocoy.

Nanlumo si Adonis. Naisip niya na baka nasa ilalim ng balon ang anak niya. Si Bandang naman nagsisisigaw at humingi ng tulong.

Narinig ito kay Ikong, 22 taong gulang na pinsang buo ni Cocoy. Ang ginawa ni Ikong diretso siyang lumusong sa hukay na puno ng tubig putik.

Sa unang pag-ahon, sinabi ni Ikong na may nakapa siyang madulas na parang damit. Muli itong sumisid, pag-angat ni Ikong hawak na niya sa kanang kamay si Cocoy. Mula sa itaas, iniangat ni Bandang si Cocoy. Naglupasay kakaiyak ang mga kamag-anak ng bata.

Isang tingin sa bata pakiramdam nila wala na itong buhay. Hindi naman nawalan ng pag-asa ang lolo nitong si Dominador. Idinikit niya ang kanyang bibig at binugahan ito ng hangin sabay pinilit sipsipin ang tubig na nanggagaling sa baga nito (mouth to mouth resuscitation). Lumabas ang tubig at kaunting kinain nito ngunit hindi pa rin kumikilos ang bata.

Napansin nila na may malaki itong sugat sa kanang bahagi ng batok. Maaring tumama daw ito sa kawayang hagdan na nakalubog sa hukay. Sinugod nila si Cocoy sa Sto. Niño Dis­trict Hospital sa Tarlac ngunit dineklarang ‘dead-on-arrival’ ang bata.

Isinisisi nila sa mga nagpapagawa ng balon ang nangyari dahil humukay sila at basta na lamang tinakpan ng plywood. Walang kahit na anong babala o harang.

Base sa ‘sketch’ na ipina-‘drawing’ kay Lito ng aming ‘staff’ na si Aicel Boncay, humigit kumulang anim na hakbang o 3 metro ang layo ng balon mula sa ‘gate’ ng simbahan ng Mormons. Mula naman sa bahay nila Cocoy limang metro ang layo nito.

Dalawamput isang talampakan naman daw ang lalim. Ang luwang ng entrada ng balon ay ‘1.5 diameters’.

“May takip na plywood pero sa gilid ng bunganga ng balon makikita ang pagguho ng lupa. Natapakan ng bata yung malambot na bahagi ng bunganga ng balon at lumusot ito dirediretso hanggang ilalim,” sabi ni Lito.

Habang nakaburol ang bata kinausap sila umano ng pre­sidente ng Local Church ng Mormons na si Artemio Sadiamona. Sinabi daw nito na wala siyang alam kung sino ang nakipag-‘coordinate’ dun sa naghukay ng balon. Si Bishop Bondoc daw na galing ng Maynila ang nakipag-usap. Handa daw silang sagutin ang lahat ng bayarin.

Kinausap ni Adonis ang bishop at contractor. Iba naman daw ang tono nito. Bago pa lang daw ang contractor na si Joemel kaya hanggang Php20,000 lang ang kaya nilang sagutin. Sinabi din umano sa kanya ng Bishop na, “Kung hihingi ka pa ng mas higit dyan eh para mo namang pinagbibili ang buhay ng anak mo”.

Nang marinig nila ang mga katagang binitiwan ng bishop na ito nagpasya si Lito na humingi sa amin ng tulong.

Itinampok namin ang istorya ni Cocoy sa CALVENTO FILES sa radyo ang, Hustisya Para Sa Lahat sa DWIZ 882 Khz (tuwing 3:00 ng hapon).

Tinawagan namin si Adonis. Sinabi niyang walang ‘permit’ sa barangay at sa munisipyo ang balon na ito ng mga Mormons. Dapat daw na panagutan nila ang pagkamatay ng kanyang anak at tumulong ang mga ito sa gastusin. Pinapunta daw sila sa Camiling para kunin ang Php22,000 para sa pagpapalibing. Tseke daw ang ibinibigay na nakapangalan kay Sadiamona,

Tinawagan namin si Prosecutor Romeo Galvez ng De­partment of Justice Action Center (DOJAC) para malaman kung anong ‘legal options’ meron ang pamilya ni Cocoy. Pina­liwanag niya na may ‘criminal at civil liability’ ang nagpagawa ng balon.

Pinayuhan niya na ayos lang na tanggapin ang tulong pinansiyal na Php20,000 na hindi naman kailangan pumirma ng ‘Quit Claim’ kung sa palagay nila hindi pa sapat sa kanila yun.

Siniguro namin sa kanila na tutulong kami sa kanilang ipi­naglalaban at ng makamit nila ang hustisya na kanilang hinahanap sa pagkamatay ng kanilang paslit na anak ng itoy lamunin ng balon.

Inirefer namin siya sa tanggapan ni Prosecutor Romeo Galvez ng Department of Justice Action Center (DOJAC) upang maasistehan sila sa problemang ito.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang isang malinaw na bagay dito ay nahulog ang bata sa balon na hinuhukay. Ang poso na para sana makatulong sa komunidad ay siyang naging patibong para ikamatay ng isang batang paslit. Maiiwasan sana ito kung nilagyan ng bakod sa paligid ng hukay.

Kasong ‘Reckless Imprudence Resulting to Homicide in relation to RA7610’ ang maaring kaharapin ng mga taong nasa likuran ng paghukay ng balon at sa nag-utos nito. Mas bumibigat ang kanilang pananagutan dahil naghukay sila ng walang kaukulang permiso mula sa ‘local government’.’ (KINALAP NI AICEL BONCAY)

Sa gustong dumulog ang aming numero 09213263166 o 09198972854. Ang landline, 6387285 at 24/7 PLDT hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.

* * *

Email address: [email protected]

BALON

COCOY

DAW

IKONG

LSQUO

NILA

SHY

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with