EDITORYAL - Mabilis kumulekta, mabagal umayuda
BAWAT umaalis ng overseas Pinoy workers ay nagbabayad ng $25 sa Overseas Workers and Welfare Administration (OWWA). Ang umaalis na OFWs araw-araw ay tinatayang 3,000. Sa ganito karaming OFWs, makukuwenta kung gaano karaming pera ang napapasakamay ng OWWA araw-araw.
Nang dumating ang unang batch ng OFWs na tumakas sa magulong Libya noong Sabado, marami ang nanlumo at nadismaya sapagkat hindi raw lubos ang pagtulong sa kanila ng OWWA. May nagsabi pang OFW na kumpleto naman ang kanilang ibinabayad sa OWWA pero bakit hindi sila ganap na maayudahan. Hindi raw nila makita sa OWWA ang pagkalinga. Kung hindi pa raw sila gumawa ng paraan ay hindi makakatakas sa Libya. Ang kani-kanilang employers umano ang nagtrabaho nang husto para makalabas sila ng Libya. Naiinggit umano sila sa ibang nationalities na agarang tinutulungan ng mga opisyal ng embahada at konsulado. Sila raw na tinuturing na “bagong bayani” ay tila iniwan sa kangkungan.
May mga sumiklab ang inis, yamot at galit sa mga dumating na OFWs sapagkat wala man lang daw nag-alok sa kanila ng kape o biskuwit nang dumating sa Ninoy Aquino International Airport. Nagugutom daw sila at nauuhaw. At sa halip na kape o tinapay ang ibigay, sombrero o cap ang ibinigay sa kanila at ipinasuot. Ang sombrero ay may nakasulat na OWWA.
Isinakay daw sila sa isang bus. Pero naghintay sila nang napakatagal. Nagtataka sila kung bakit hindi pa sila umaalis patungo sa tutuluyang hotel sa Maynila kung saan ay naghihintay ang kanilang mga asawa at anak. Nang tanungin daw ang isang taga-OWWA, hihintayin pa raw ang ibang OFWs para sabay-sabay na sa destinasyon. Sa inis ng ibang OFW ay nag-walkout sila. Nagbabaan sa bus. Meron pang nagsabi na kung sa halip daw na cap ang ibinigay, sana raw ay biskuwit na lang at kape. Hindi naman daw makakain ang cap.
Mabilis kumulekta ang OWWA, pero bakit mabagal umayuda. Hindi nagrereklamo ang mga OFW kapag kinukolektahan pero sana naman, maging mabilis din ang OWWA sa pag-ayuda sa mga sinasabing “bagong bayani”. Ipadama ang tunay na silbi ng OWWA.
- Latest
- Trending