Pagkalipas ng 25 taon, ano?
HINDI ako napangiti nang mabalitaan kong nagtagumpay ang people power sa Egypt at napalayas si Egyptian President Hosni Mubarak na 30 taong nagpakasawa sa power. Dapat ba silang magsaya kung napalayas ang kanilang presidente? Nasisiguro ba ng mga Egyptian na magiging paraiso na ang kanilang bansa matapos magtagumpay ang kanilang people power? Ewan ko lang.
Ang nangyaring people power sa Egypt ay nangyari na sa atin 25 years ago. Ngayong araw na ito (Pebrero 22) ginugunita ang pagsisimula ng people power sa EDSA nang magsanib puwersa si Juan Ponce Enrile at Fidel Ramos. Inalis na nila ang suporta kay President Marcos. Nandaya si Marcos sa Feb. 7, 1986 elections at si Corazon Aquino ang tunay na nanalo. Nagsimula ang people power at natapos ng Feb. 25, 1986. Tumakas si Marcos at pamilya nito sa Malacanang. Malaya na ang mga Pinoy sa diktadurya.
Pero mayroon ba tayong dapat ipagdiwang? Talaga bang nakalaya na ang Pilipinas sa korapsiyon? May maganda bang nangyari sa bansa makalipas ang 25 taon?
Ang ipinalit kay Marcos ay si Cory Aquino, biyuda ni Ninoy Aquino na tinuturing na isang bayani. Si Gng. Aquino ay isang simpleng maybahay na walang kamuwang-muwang sa pagpapatakbo ng gobyerno subalit mapagkakatiwalaan. Hinubog niya ang Pilipinas para manumbalik sa isang mabuti at kaaya-ayang bansa na magiging paraiso ng mga Pilipino. Natuwa ang mga Pinoy dahil sa may nabaanagan silang pagbabago sa bansa. Biglang nagkaroon ng pag-asa.
Sino ba ang mag-aakala na makalipas ang 25 taon at nagkataon pang anibersaryo ng people power, ang muling iniluklok ng mga Pinoy ay anak ni Cory na katulad ng ina ay iniupo sa gitna ng kaguluhan dahil sa pagmamalabis ng mga naunang administrasyon. Nagkataon lang ba ito?
Pero tanong ko lang, pagkalipas ng 25 taon na nagkaroon ng bloodless revolution, may maganda bang nangyari sa bansa? Tingin ko wala. Meron pa ring mga abusado’t corrupt. Patunay ang nangyayaring kurakutan sa pondo ng AFP. Sana ito ang resolbahin ni P-Noy para may maalalang maganda sa 25th anniversary ng people power.
- Latest
- Trending