Nakakaputok ng ugat!
SIGURO isang sesyon na lang ang kailangan sa pagdinig sa plea bargaining agreement ni Carlos Garcia at gobyerno. Sa palagay ko, ang pagtawag sa asawa ni dating comptroller Jacinto Ligot na lang ang kailangan ng Senado para makita ang buong larawan ng iskandalong ito na kasalukuyang sumisira sa AFP. Sa totoo nga, kumukulo ang dugo ko kapag nakikinig ako, lalo na sa mga sagot, o walang sagot, nina Garcia at Ligot. Kung may kahihinatnan ang mga pagdinig ng Senado sa isyung ito, ito ay ang makulong nang habambuhay ang mga “heneral” na iyan!
Napakaliwanag ng mga presentasyon ni Heidi Mendoza, sa kanyang ginawang pag-imbestiga sa pondo ng AFP na may kaugnayan sa kasong pandarambong ni Garcia. Detal-yadong ipinakita ni Mendoza ang mga sistema at pamamaraan na umano’y ginagawa at ginagamit ng ilang mga opisyal sa AFP para magamit ang mga pondo sa iba’t ibang bagay, malamang kasama ang pagpuno ng mga bulsa nila. Ganyan nga ang kaso ni Ligot at kanyang asawa, na bilyonaryo na sa tunog na P740-milyon! Ayaw magsalita ni Ligot kung paano sila nagkaroon ng ganung halagang kayamanan, na wala pang P40,000 ang sahod, at wala namang trabaho ang kanyang asawa! Ang mga anak ay hindi naman mga presidente ng malalaking korporasyon at may nag-aaral pa! At ang nakakaputok ng ugat, walang kasong katiwalian na sinampa ang Ombudsman sa loob ng tatlong taon. Sinabi pa ng isang abogado na ngayon lang niya nalaman ang lahat ng kayamanan ni Ligot! Ang galing!
Sa kaso naman ni Garcia, lumalabas ngayon ang isang blog sa internet tungkol sa kanyang “fashion designer at publicist” na anak sa Amerika, na nakatira sa Trump Plaza, na binili raw ng kanyang asawa noong 2004 sa halagang $765,000 lang naman. Nilalarawan na itong anak ni Garcia ay nakasuot mamahaling designer na tatak mula bumbunan hanggang hinlalaki ng paa! Mga pulseras na suot sa mag-kabilang kamay na may libu-libong dolyar ang halaga! Mga damit, pantalon, sapatos, pati ang sopang inuupuan at kama ng aso na napakamahal! At dumadaing sa suot na security anklet na nagbabantay sa kilos niya dahil under house arrest nga sa kasong iligal na pagpasok ng malaking halagang pera sa Amerika. Hindi raw niya masuot ang kanyang mamahaling mga bota! Iyan ang pamumuhay ng anak ng isang heneral na kapareho lang ang sahod ni Ligot! Hindi pa natin alam kung paano mamuhay ang iba pang anak at asawa! Insulto sa mamamayang Pilipino na malinis ang pinanggalingan ng kanilang kayamanan!
Kaya tama nga si Senate President Juan Ponce Enrile na kailangan nang tapusin ang pagdinig sa Senado sa isyung ito. Malinaw na ang lahat ng ebidensiya. Dapat nang sampahan ng kaso ang mga kinauukulan, hatulan at ikulong. Makulong lahat. Kung dawit ang mga asawa’t anak sa mga krimen, ikulong din! Mabuti nga at kinokober ng ABS-CBN ang mga pagdinig. Para nakikita ang mukha ng sinungaling at mandarambong na walang pagsisisi.
- Latest
- Trending