Sinalba ni Torres
HINDI napigilan ni Mandaluyong Mayor Benjamin “Benhur” Abalos Jr. na lumuha habang ikinukuwento ang ilang beses na pagliligtas sa kanya ng kaklase, kaibigan at political adviser na si Joselito “Jun” Torres. Si Torres ay pinatay ng tatlong kalalakihan. Sa kanyang eulogy, sinabi ni Abalos. “Galit ako sa ginawa nila kay Torres, dahil ang taong pinatay nila ay isang taong mabait.” Ayon kay Abalos, hindi siya iniwan ni Torres tulad ng ginawa nito nang pumasok siya sa pulitika hanggang maging mayor. Naniniwala si Abalos na may bahid ng pulitika ang pagkamatay ni Torres, na may death threat na bago pa ang nakaraang election. Pero imbes na ang sarili ang asikasuhin, nagbigay pa si Torres ng extra security kay Abalos. “Kung ang pulitika lang ang pakay ng gumawa nito kay Torres, hindi na kailangang gawin nila ito,” sabi ni Abalos. “Sa inyo na lang itong posisyon na ito,” dugtong pa niya.
Kaya lang, papayag kaya ang taga-Mandaluyong na iiwan na lang ni Abalos ang trono ngayon pang nagtatamasa ng tagumpay ang siyudad sa liderato niya? Tiyak hindi. Sa ilalim ni Abalos naging “Tiger City” ang Mandaluyong. Taun-taon ay umaangat sa larangan ng ekonomiya. Katakut-takot din ang awards na nahakot ng Mandaluyong sa kung anu-anong programa. Noong 2009, umabot sa P42.25 bilyon ang investments na pumasok sa Mandaluyong dahil sa pagpasok ng 13 local at international investments. Pitong bagong investments naman ang pumasok ng nakaraang taon at nagdala ng P40 bilyon samantalang P82.25 bilyon naman ang nailagak na kapital at libu-libong trabaho ang pumasok sa siyudad ngayong 2011.
Ang income ng siyudad noong 2010 ay P2,049,986,509.63 at tumaas ito ng 7.95 percent. Ang malaking kinita ng siyudad ay napunta sa health at education program. Sa ngayon, nakatutok si Abalos sa programang “Isang Trabaho, Isang Pamilya” na ang layunin ay bawasan ang hanay ng mahihirap sa lungsod. Naniniwala si Abalos na kapag may trabaho ang miyembro ng pamilya, hindi nalalayo na magkaroon sila ng sariling bahay, pagkain, pamasahe sa araw-araw at pambili ng gamot. Kung ikaw ba ay taga-Mandaluyong, iiwan mo si Abalos at papalitan ng bagito at walang alam sa pagpatakbo ng siyudad? Hindi, di ba mga suki? Kaya nasaan man ngayon si Torres, sisiguruhin ni Abalos na hindi masasayang ang lahat ng pinagpaguran niya. Si Torres ay inilibing noong Linggo.
- Latest
- Trending