NAKIKITA sa Senado na ang mga matitigas na taga-usig ay tila ba inuusig ng kanilang konsensiya. Nasaksihan ko ang mainit na talakayan sa hearing ng Senate Blue Ribbon Committee na nag-iimbestiga sa plea bargain agreement sa pagitan ng dating comptroller Carlos Garcia at Office of the Ombudsman. Ang witness na si dating budget officer George Rabusa ay nagsabing hindi lamang ang “plea bargain deal” ni Garcia ang may hokus-pokus kundi marami pa. Isa sa mga nabanggit ni Rabusa na nakinabang sa pondo ng AFP ay si dating chief of Staff at Defense secretary Angelo Reyes. Ayon kay Rabusa, siya sa tulong ng kanyang assistant ang nagbigay ng pera kay Reyes at minsan, kay Mrs. Reyes. Utos daw ng superior niya na si Garcia.
Nakapanliliit na mapakinggan si Rabusa na malimit ininsulto at binara si Reyes na parang ay ka-ranggo lang niya. Mas grabe ang pakikitungo ni Senator Trillanes kay Reyes na kung pagsalitaan ay parang isa lamang private soldier. Alam kaya ni Trillanes na napakalaking agwat ng kanilang ranggo at sa PMA ay mayroon silang code of respect lalo sa upperclassmen. Akalain n’yong sabihan ni Trillanes si Reyes na “You don’t have any reputation anyway”. Hindi ba malaking insulto ito.
Bakit dapat nilang gawin ito kay Reyes at iba pang “guests”? Hindi naman kriminal o nahatulang nagkasala si Reyes? Hindi naman isang korte ang senado. Ang mga pagtawag lamang ng kanilang mga committees ay “in aid of legislation” . Walang karapatang mambastos at mang-insulto ang mga senador. Dapat itong malaman nina Senators Estrada, Trillanes at Drilon at iba pang walang modo.
Isang linggo na ang nakararaan mula nang magpakamatay ni Reyes. Inilibing siya noong Linggo sa Libingan ng mga Bayani. Marami ang nagsabi, marahil daw ay inuusig na ang konsensiya ng mga gumawa ng hindi maganda kay Reyes. Sino man ang mga nagkasala, sa palagay ko, sila ang huhusgahan pagdating ng panahon.