Malamig na hangin
Sa aming maliit at lumang bintana
ang hanging habagat ngayo’y tumatama;
Kaya bawa’t salpok ng hanging sagana –
ang bintanang karton parang magigiba!
Kami ay nagbangon – tumingin sa labas
ang ihip ng hangin lalo nang lumakas;
Kaya lahat kami’y pawang nanggilalas
talagang ang hangin malakas ang hampas!
Kaya pala gayo’y Pebrero na ngayon
bagama’t tag-araw ba ang panahon;
At sa dakong ito malamig ang simoy
sapagka’t sa Europe nagyeyelo roon
Mainam pa rito at hangin na lamang
dito’y sumasapit kung ganitong buwan;
Kung dito’y may yelo ay maraming lugar –
na tao’t halaman ang mahihirapan!
Malamig ang hanging ngayo’y dumarampi –
ayos na ayos lang sa bansa at lahi;
Mga walang aircon at electricity
sa hanging malamig sila ngayo’y happy!
Kaya nga kay runong ng Poong Lumikha
at dito sa atin ang pinatatama
Ang hanging malamig – ito’y okey na nga
at wala ring yelong sa ati’y masama!
Sa ibayong dagat – bansang malalaki
sungit ng panahon balita sa TV;
Australia at US may bagyo parati
at saka sa baha’y daming nasasawi!
Ang hanging sa ati’y dumarating ngayon
bagama’t malamig mabango ang simoy;
Itong ating bansa na noo’y inondoy
wala na ang bagyo at bahang dumaloy!
Kaya dapat lamang tayo’y pasalamat
sa ihip ng hangin na nakagugulat ;
Winawalis nito basurang nagkalat
at saka ang bahong ating nalalanghap!
- Latest
- Trending