Editoryal - Habang may log ban magtanim din naman
INISYU ni President Noynoy Aquino ang indefinite log ban sa ilalim ng Executive Order 23. Ibig sabihin nito, pansamantala lang ang pagbabawal sa pagtotroso. Kung hanggang kailan ipatutupad ang log ban, ay hindi naman sinabi. Ayon naman kay Presidential spokesman Edwin Lacierda, ang EO 23 ay hindi naman ibig sabihin na bawal na ngang magputol ng punongkahoy sa mga plantation, ang pinagbabawalan lang daw ay ang magputol sa mga likas na kagubatan sa bansa. Inatasan ni P-Noy ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ipatupad ang log ban. Dapat din daw siguruhin ng DENR na maibalik ang mga pinutol na puno sa mga kagubatan. Kasabay sa pag-iisyu ng EO 23, nilikha rin ng presidente ang Anti-Illegal Logging Task Force na ang mamumuno ay si DENR secretary Ramon Paje Jr.
Bagama’t hindi total log ban ang ginawa ni P-Noy, malaki na rin ang magagawa ng pansamantalang pagbabawal sa pagtotroso. Mapapahinga ang kabundukan sa nakakukuliling atungal ng mga chain saw at bagsak ng palakol sa katawan ng narra, apitong, tanguile, lawaan, dao, at iba pang mahahalagang puno. Pero nararapat pa rin ang sapat na pagbabantay ng DENR at baka mabalewala lang ang kautusan ni P-Noy. Ngayong may task force na laban sa illegal logging, dapat doblehin ang pagbabantay sa mga kagubatan. Siguradong kapag nalingat ang mga forest rangers, ay tiyak na sasalakay ang loggers. Dapat bigyan ng sapat na armas ang mga forest ranger upang ganap na maitaboy ang mga illegal logger. Noong nakaraang buwan, ilang forest ranger ang pinatay ng mga hinihinalang illegal logger. Tiyak na gagawa sila ng paraan para maipagpatuloy ang kanilang masamang gawain sa kagubatan.
Inumpisahan na ang pagsupil sa mga salot ng kagubatan at ang hinihintay naman ngayon ay ang puspusang pagkilos ng DENR para maibalik ang mga puno. Naglaan na ng P10-milyon si P-Noy para sa reforestation program kaya nararapat naman itong isakatuparan. Simulan na ang kampanya sa pagtatanim ng puno. Mawawalan ng kuwenta ang log ban kung wala rin namang pagtatanim na isasagawa. Habang may log ban, magtanim din naman ng mga puno upang maibalik ang dating ganda ng kagubatan. Ito ang kasagutan sa mga malawakang pagbabaha na nararanasan.
- Latest
- Trending