Dapat may maparusahan sa nangyaring corruption
MARAHIL nga ay nakunsensiya kaya’t ibinulgar ni dating AFP Budget Officer Lt. Col. George Rabusa ang kanyang nalalaman sa milyon pisong tradisyon ng pagbibigay ng pabaon sa mga nagreretirong AFP Chief of Staff at ganoon din sa bagong uupo. Iba’t iba nga lamang ang halaga ng ibinibigay. May P180-milyon, may P80-milyon, ang iba naman ay hindi bababa sa P50-milyon. Maliban dito ay tumatanggap pa raw ang mga nakaupong boss ng AFP ng P5-milyon kada buwan o mas mataas pa rito ang iba.
Sinabi ni Rabusa na si dating AFP Chief of Staff Angelo Reyes ang isa sa mga nakinabang. Siya at ang kanyang assistant ang naghanda ng pera (P50-milyon) sa utos ni dating AFP Comptroller Carlos Garcia at dineliber nila kay Reyes. Ibinunyag ito ni Rabusa sa hearing ng Blue Ribbon Committee. Mula rito ay lumaki na nang lumaki ang naging takbo ng hearing. Dalawa pang naging chief of Staff, sina Diomedio Villanueva at Roy Cimatu ay nakatanggap din umano ng pasalubong.
Marami pa raw higher officials sa AFP at Department of National Defense ang naulanan ng nakaw na pera mula sa kaban ng AFP na sana ay napunta na lamang sa mga sundalo para pambili ng mga kagamitan nila. Ganito rin ang pagbubulgar ni Heidi Mendoza, dating COA auditor. Itinanggi naman nina Reyes, Villanueva, at Cimatu ang mga akusasyon ni Rabusa.
Mahaba ang naging paglalahad ni Rabusa na naging kapani-paniwala sa mamamayan. Dito sa Amerika ay maraming Pil-Ams ang bilib na bilib kay Rabusa. Isa raw kabayanihan ang ginawa nitong pagbubulgar.
Nararapat nang may maparusahan sa nangyayaring corruption sa AFP. Lahat ng mga mapapatunayang nagkasala ay itapon sa kulungan. Kung walang mapaparusahan, mauulit ang tradisyon ng pabaon at pasalubong.
Magpapatuloy ang pagnanakaw ng mga nasa itaas at hindi maganda ang magiging epekto nito sa mga sundalo. Maaaring sumulak ang kanilang galit hanggang sa sumabog na ang pagtitimpi.
Delikado kapag nagkataon.
- Latest
- Trending