EDITORYAL-Namo-monitor ba ang 'killer highway'?
NOONG nakaraang linggo ipinatupad ang 60 kilometer per hour na tulin sa Commonwealth Avenue, Quezon City. Ang Commonwealth ay 12.4 kilometro na nagsisimula sa Elliptical Circle at nagtatapos hanggang Novaliches. Nang magsunud-sunod ang aksidente sa Commonwealth, tinagurian itong “killer highway”. Marami nang namatay dito. Noong nakaraang taon, 743 aksidente ang nangyari at 21 katao ang namatay. Aksidente sa motorsiklo ang pangunahing dahilan (329 kaso) at sumunod ang aksidente sa kotse (210).
Ang matulin na pagpapatakbo ang dahilan kaya marami ang naaaksidente sa Commonwealth. Kaya ang solusyon ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ay ang pagkakaroon ng speed limit. Maaari raw mapigilan ang mga drayber kapag may speed limit na. Hindi na magkakarera ang mga bus lalo na sa gabi. Ayon sa MMDA, ang lalabag sa speed limit ay magbabayad ng P1,200 multa. Matatanggap umano ng violators ang notice pagkaraan ng pitong araw.
Kapag nahuli raw sa ikatlong pagkakataon ang motorista, kukumpiskahin nang tuluyan ang driver’s license. Wala raw traffic enforcer na huhuli sa motoristang matuling magpatakbo. Ang tanging gagawin lamang ng enforcers ay maglargabista sa mga motorista at mayroon ding speed guns. Ang speed guns daw ang magme-measure sa bilis ng sasakyan. May mga naka-install ding closed-circuit television sa Commonwealth, ayon pa sa MMDA.
Isang linggo na ang nakalipas mula na iimplement ang 60 kph sa “killer highway” at sabi ng MMDA ay epektibo sapagkat nabawasan daw ang aksidente. Magandang senyales ito. Pero gaano naman kaya kasiguro na laging namomonitor ng MMDA ang mga sasakyan. Paano nakasiguro na hindi nga nag-ooverspeed ang mga ito. Kahapon, dalawang bus ang nagkakarera sa may bahaging Novaliches. Nag-aagawan sa pasahero ang mga ito. Nakikita kaya ang mga ito gayung wala namang nakabantay na enforcers para ma-measure ang bilis?
Isa pang dapat pagtuunan ng pansin ng MMDA ay ang paglalagay ng harang sa center island ng Commonwealth. Kahit na maraming overpass o tulay dito marami pa ring sutil na pedestrians na tumatawid sa Commonwealth lalo na sa gabi. Lagyan sana ng harang. Huwag sabihin ng MMDA na ang 60 kph na takbo ay hindi makakapatay ng tao. Tingnan sana ang problemang ito.
- Latest
- Trending