EDITORYAL - Malaking hamon sa PNP
GUSTO ba ng Philippine National Police (PNP) na makabangon sa pagkakalugmok dahil sa ginagawang kabuktutan ng kanilang mga miyembro? Simple lang, trabahuhin nang mabilis at resolbahin ang mga sunud-sunod na pagpatay sa mga car dealer. Kapag mabilis na naaresto ng PNP ang mga killer, magsisimula nang magbago ang paningin ng mamamayan sa kanilang organisasyon. Maaari na silang pagtiwalaan hanggang sa tuluyan nang bumalik ang dati nilang kinang.
Masama ang pambungad sa 2011 sapagkat pawang pagpatay ang bumandera. Kamakalawa ay nakilala na ang sunog na bangkay na natagpuan sa Bgy. Buliran, Cabanatuan City, Nueva Ecija noong Enero 14. Ang bangkay ay kay Venson Evangelista, 30, ng Cubao, Quezon City, isang car dealer. Kinilala siya ng kanyang ama dahil sa suot nitong sinturon. Nawala noong Enero 12 si Venson nang i-test drive ang Toyota Prado na balak umanong bilhin ng isang bakla na may kasamang mekaniko. Mula noon ay hindi na bumalik si Venson.
Bago ang pagkakatagpo sa bangkay ni Venson, una nang natagpuan ang bangkay ng anak ni Atty. Oliver Lozano na si Emerson at ng drayber nito. Natagpuan ang sunog na bangkay ni Emerson sa Porac, Pampanga samantalang ang drayber nito ay sa La Paz, Tarlac. Nawala si Emerson at kanyang drayber noong nakaraang Miyerkules makaraang makipagkita sa buyer ng sasakyan sa isang gasolinahan sa Commonwealth Ave. QC. Car dealer din si Emerson. Natagpuan ang kanilang bangkay noong Linggo.
Malaking hamon sa PNP ang karumal-dumal na pangyayaring ito. Hinahamon sila ng mga kriminal. Hindi basta-basta kriminal ang gumawa ng karumal-dumal na ito sapagkat bukod sa binaril na sa ulo ay sinunog pa. Ibig lamang sabihin, wala nang kinatatakutan ang mga taong ito. Palubha nang palubha ang sitwasyon na para bang ipinakikita sa PNP na hindi sila kaya.
Nangako si PNP chief Dir. General Raul Bacalzo na gagawin ang lahat para mahuli ang mga killer. Hihintayin ng taumbayan ang pangakong ito. Dapat mahuli sa lalong madaling panahon ang mga kampon ni Satanas!
- Latest
- Trending