KAPAG nababanggit ang Charter change, tatlong rebisyon ng Saligang Batas ang agad pumapasok sa isip. Ito ang parliamentary mula presidential form, federal mula unitarian structure, at pagbubukas ng ekonomiya. Lehitimong mga kosa ito, maaring sabihing pinaka-akma sa bagong panahon.
Pero miski mga maka-presidential ay nais mag-am-yenda para mapatatag ang anyo na gusto nila, Tatlong bagong probisyon ang maaari: (1) Otomatikong ibilang para sa kanyang Bise ang boto para Presidente; (2) Itatag ang two-party system na akma sa presidential, sa halip na multi-party na pang-parliamentary; at (3) Otomatikong runoff election ng dalawang pinaka-maraming boto na Presidente, para magka-majority vote, kung sakaling plurality lang ang nakamit nila.
Marami rin pagkakasunduang amyenda ang “presidentialists” at “parliamentarists”. Ehemplo, linawin kung ano ang political dynasties, upang maipagbawal na sa wakas. O kaya, tanggalan ng pangil ang mga kudeta sa pagbura ng probisyong “tagapagtanggol ng mamamayan” ang militar. Isa pa, alisin ang limitasyon sa pag-aari ng dayuhan sa utilities, eskuwelahan, minahan, at advertising.
Maraming suliraning nagmumula sa bulok na sistemang halalan. Sinuri ito ni dating Chief Justice at Comelec chair Hilario Davide. May mga repormang kaya ilatag ng Comelec o lehislasyon, aniya. Pero meron ding dapat daanin sa Charter change. Ilan dito: gawing apat na taon ang termino ng congressman at local officials; paghiwalayin ang pambansa at lokal na halalan; ibawal ang pag-appoint sa halal na lokal na opisyal, kongresista o senador sa ibang posisyon sa loob ng termino; bukod sa paglinaw at pagbawal sa political dynasties, magpataw ng matinding parusa; ibawal ang paglipat ng partido ng halal na opisyal sa loob ng termino; patatagin ang two-party system at sustentuhan sila ng pondo; at ibawal ang pagtanggap ng kontribusyong politikal mula sa dayuhan.