MARAMI ang dumaraing sa pagtaas ng toll fee sa South Luzon Expressway o SLEX. Mga nasa transport group at operator ng bus at dyip. Kung tutuusin, puwede nilang ipatong sa mga mananakay ang dagdag na singil. O kaya ang mga delivery trucks ay magdaragdag ng presyo sa kalakal. Just the same may epekto sa ating lahat.
Pero wala tayong magagawa. Hindi bale kung ang ginagastos sa pagtatayo ng superhighways ay mula sa tax payers’ money. Kung magkagayon, libreng madaanan ang mga iyan. Pero mahirap na bansa tayo kaya kaila-ngan ang mga private sectors para maitayo ang mga infrastructures na ito. Siyempre, ang kapalit niyan ay ang pagbawi ng kanilang ginastos kasama na ang karapatang gawing negosyo ito for a period of time hanggang sa ibalik ito sa gobyerno.
Private sector muna ang gumastos sa paggawa ng SLEX sa pamamagitan ng build-operate-transfer scheme o BOT. Ang private sector ang mamamahala sa operasyon ng expressway sa loob ng 25 taon. Sila ang may sagot sa gastos sa operasyon at pagmamantine. Pagkalipas ng 25 taon, saka ibabalik ng private sector sa gobyerno ang expressway. Ang gobyerno na ng Pilipinas ang may karapatan dito.
Kung hindi pumasok ang gobyerno sa isang kasunduan kasama ang private sector, nagtitiis pa rin tayo sa mahabang oras na biyahe makarating lang sa piyer ng Batangas o Tagaytay o kaya sa Los Baños.
Wika nga ng kaibigan nating publisher at columnist na si Amado “Jake” Macasaet: “Noong wala pang expressway, inaabot ako ng halos apat na oras mula Lipa hanggang Lawton sa Maynila, sakay ng bus. Nga-yon, mga 45 minutes lang mula sa bahay ko, nakakarating na ako sa aking bukid sa Lipa.” Para kay Jake, hindi siya magre-reklamo sa mataas na toll fees kung ito’y may pakinabang.
Korek. Ang masama ay iyong nagbabayad ka sa mga walang kuwentang bagay o nagdurusa ka sa pag-aambag sa gobyerno sa mga bagay na alam mong kinamkam at pinakinabangan lang ng iilan.
Harang. Mahalaga na magsakripisyo tayo sa tunguhin ng administrasyon ni P-Noy kung makagaganda naman ito para sa bansa at mamamayan.